BAKUNA VS ASF ILALARGA SA SETYEMBRE

UMAASA ang Department of Agriculture (DA) na mareresolba na ang African Swine Fever (ASF), na pumipinsala sa local pork industry magmula noong 2019, sa pagtatapos ng taon dahil target ng pamahalaan na ilarga ang bakuna laban sa ASF sa Setyembre.

Sa post-State of the Nation Address (SONA) forum sa Pasay City, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang ASF vaccine ay inaprubahan kamakailan para sa anim na buwan na mass trial ng pamahalaan.

“We will bid this out this August and hopefully by September we can implement it,” wika ni Tiu Laurel.

Aniya, paunang babakunahan ng DA ang mga baboy sa ASF red at yellow zones.

“With that, we are hopeful na ma-solve na paunti unti itong issue sa ASF. Hopefully by the end of the year halos wala na,” anang DA chief.

Sa kanyang ikatlong SONA noong Lunes, sinabi ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. na nakahanda na ang pamahalaan na ilarga ang ASF vaccines.

“Handa na rin ang pamahalaan na ilabas ang mga bakuna laban sa African Swine Fever na magpapalakas sa mga alagang hayop, at magbibigay ng garantiya sa mga magsasaka laban sa pagkalugi,” sabi ni Marcos.

Ayon kay Tiu Laurel, binubuo na ng DA ang terms of reference para sa pagbili ng ASF vaccines.

Aniya, ang procurement ay magiging isang open bidding, subalit sa kasalukuyan ay may isa lamang accredited vaccine.”

“Most probably they will secure the contract… there are no other competitors at the moment,” dagdag pa niya.