INANUNSYO ni Manila Mayor Honey Lacuna na ang bakunahan kontra COVID-19 ng pamahalaang lungsod ay hanggang itong buwan ng Abril na lang.
Ang dahilan, ayon sa alkalde ay inuubos na lamang ng lokal na pamahalaan ang natitirang bakuna at dahil wala na ring nagpapaturok nito.
Sa kabila nito, patuloy naman ang panghihikayat ng lady mayor sa hindi pa natuturukan ng primary vaccines o booster shots na magpunta na sa kanikanilang health centers at magparehistro para mabakunahan.
“Humabol po kayo sa ating mga health center habang available pa ang mga pambakuna sa COVID dahil balita ko, mauubos na,” pahayag ng alkalde.
Ayon na rin sa ulat ng Manila Health Department (MHD) Director sa pamumuno ni Dr. Poks Pangan na ang mga bakuna ay tatagal na lamang hanggang buwan ng Abril.
Hinimok din ng alkalde ang mga gustong magpabakuna na magsama pa ng ibang interesadong maturukan ng anti-COVID-19 vaccine.
Ipinaliwanag ng alkalde na ang isang vial ay naglalaman ng six doses kaya kailangan ng anim na pasyente para mabuksan ang isang vial.
Sa kaso ng mga bata na edad lima hanggang 11, sinabi ni Lacuna na 10 ang kailangang mabakunahan kung kaya’t panawagan sa mga magulang o guardian ng mga nasa age bracket na ipalista na ang mga anak sa health centers.
“Hindi kasi pwede na magbukas ng isang vial na di kumpleto kasi masasayang ang bakuna. Hindi na ito puwedeng ibalik o ilagay sa ref dahil 6 hours lang ang buhay ng bakuna. Pag binuksan ang isang vial, dapat anim ang mabakunahan otherwise, wastage na, sayang naman ang bakuna,” paliwanag pa ni Lacuna.
Binanggit ng alkalde, 43% lamang sa kabuuang bilang ng minors ang nakakumpleto ng kanilang bakuna.
Sa kaso naman ng mga adults, ang mga nakakuha na primary shots ay 44.3 percent, ang bilang naman ng mga kumukuha ng booster shots ay nasa 62.5 percent para sa first booster at 8.20 percent para second booster.
Nalulungkot si Lacuna dahil maging sa kaso ng mga senior citizens, ang bilang ng mga nakakumpleto na ng primary at booster shots ay mababa sa bilang ng seniors na naninirahan sa lungsod na mahigit sa 159,000. VERLIN RUIZ