BAKUNAHANG BAYAN: PINASLAKAS ILULUNSAD

CAVITE – NAKATAKDANG ilunsad ng Department of Health (DOH) ang programang Bakunahang Bayan: PinasLakas Special Vaccination Days sa iba’t ibang lugar sa Cavite sa darating na Lunes.

Ayon kay USec Maria Rosario Vergeire, DOH officer-in-Charge, kabilang ang Trece Martires City Public Market at Covered Court sa Brgy. Manggahan, General Trias City, Cavite ay pagdarausan ng Special Vaccination Days upang palakasin ang partnerships at solidify networks ng stakeholders para maabot ang PinasLakas campaign sa unang 100 days ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.

Nabatid na sisimulan sa Setyembre 26 hanggang 30 ang Bakunahang Bayan: Special Vaccination Days para mas maraming individual ang maprotektahan laban sa Covid-19 kung saan maabot ang goal ng national vaccination at booster coverage sa buong Kapuluan.

Hanggang nitong Setyembre 19, aabot sa 2,839, 240 individuals ang naka-1st booster dose habang 52,736 naman na senior citizens ay unvaccinated sa Calabarzon region kung saan aabot sa 594,617 at 27,580 individuals ay mula sa lalawigan ng Cavite. MHAR BASCO