BATANGAS-MALUBHANG nasugatan ang isang MISIS makaraang barilin ng kanyang mister sa loob ng sarili nilang tahanan sa Barangay Quilo, Ibaan sa lalawigang ito, Miyerkules ng umaga.
Sa kasamaang palad ang balang tumagos sa balikat ng ginang ay tumama sa kongkretong pader ng bahay at pabalik na tumama sa ulo ng suspect na siya nitong ikinamatay.
Sa pahayag ni Major Emil Mendoza, chief of police ng Ibaan, kinilala ang mag- asawa na sina Anita at Felix Dimaano, kapwa 52- anyos at residente ng naturang lugar.
Base sa masusing imbestigasyon ng pulisya, madalas umanong magtalo ang mag-asawa tungkol umano sa araw- araw na ingay ng mga kambing at iba pang hayop na nakapastol sa tabi ng bahay ng mga ito.
Nauwi umano sa pamamaril ng lalaki ang pagtatalo ng dalawa nang kampihan ng ginang ang pananatili ng mga nasabing kambing sa kanilang lugar.
Lingid sa kaalaman ng ginang, kinuha ng asawa nito ang nakatagong 45 pistol at walang awang binaril ang asawa na mabilis na nakailag.
Tinamaan sa kanang balikat ang ginang subalit sabay na bumagsak ang dalawa sa sahig.
Ayon kay Mendoza, maaaring ang balang tumagos sa balikat ng babae ay tumama naman sa pader at sa hindi inaasahan ay pabalik na tumama sa ulo ng mister nito.
Hindi na nagpaunlak ng panayam ang pamilya ng mga biktima at hindi na rin umano maghahain ng reklamo ang magkabilang- panig.
Ayon naman kay Barangay Chairman Sonny Perez ng naturang lugar, likas daw na mabait ang mag-asawang Dimaano at wala daw kaaway ang mga ito sa kanilang lugar. ARMAN CAMBE