BALAK KUMUHA NG BUSINESS FRANCHISE? ALAMIN MUNA ANG MGA ITO

homer nievera

KUMUSTA, mga ka-negosyo? Nawa’y nasa mabuti naman kayong kalagayan! Ang daming uri ng mga negosyo ngayon na maaari mong itayo. Madalas, sa dami, ang hirap mamili. Nitong panahon ng pandemya, lalong umigting ang online business na maituturing na mas naging uso. Ang napansin ko, maraming mga tradisyonal na negosyo na kilala sa pag-franchise ay pumasok na rin online.

Pero, bago mo pagtuunan ng pansin ito, bakit ‘di natin linangin kung para sa iyo  nga ang pagkuha ng prangkisa ng isang negosyo?  O, tara na at matuto sa pitak na ito!

#1 Alamin muna kung ano ang ibig sabihin ng pagkuha ng prangkisa

Ang isang business franchise o prangkisa ng isang negosyo ay nangangahulugang imbestor ka rito at naniniwala ka sa sistemang negosyong tumatakbo na – at subok na. Bilang imbestor, maaari mo nang i-operate ang negosyong kinuhanan mo ng prangkisa.  Dito, nagbabayad ka ng isang franchise fee kasama ang isang franchise manual kung saan nakalahad ang operasyon at sistema ng pagnenegosyo, ang paggamit ng brand ng franchisor, at ang mga kalakip na tulong o assistance.  Depende sa sistema ng bibilhing franchise ay kung isu-supply nila ang mga kagamitan, produkto o  materyales at ang mismong pagbuo ng kiosk o establisimiyento. Madalas, ang pagpili ng lokasyon ay kanilang inilalahad din ang specifications.

#2 Kilalanin muna ang sarili

Ano ba ang personalidad mo? Maitutugma mo ba ang personalidad mo at eksperyensiya sa pagkuha ng prangkisang nais mo? Kumusta naman ang mga kasanayan mo sa iba’t ibang aspeto ng pagnenegosyo? Ang isang prangkisa ay isang tunay na negosyo na ikaw rin mismo ang dapat matutong mag-operate. ‘Di mo basta-basta ito ipauubaya sa iba. Kaya nga kailangan mong kilalanin ang iyong pagkatao bilang isang negosyante bago ka sumabak dito. Lalo na kung matagal kang naging empleyado  sa isang kompanyang malayo sa gagalawan mo bilang isang franchise owner. Halimbawa, kumuha ka ng isang franchise ng isang kilalang hamburger stand. Kung 24/7 ang operasyon nito sa isang mataong lugar, kaya mo bang hawakan ang kabuuan nito?  Kumusta ang pagkilatis mo sa mga taong magbabantay? Kumusta ang kaalalaman mo sa accounting? Ang ilang bagay na ito ay malaki ang impact sa iyong hahawakang prangkisa. Pag-isipan mo nuna ang bagay na ito upang mapunan ng ibang tao ang mga kakulangan mo.

#3 Gumawa ng buong pag-aaral at pagsusuri sa papasukang prangkisa

Kilalanin mo ang negosyong nais mong bilhan ng prangkisa. Ang kabuuan ng isang prangkisa ay ‘di lang basta nasusukat sa dami ng mga taong bumibili rito. Ang kalidad ng kanilang produkto (o serbisyo) at sistema ang magsasabi kung magtatagal ba ito. Sa totoo lang, may ilang nagbebenta ng franchise diyan na hinahayaan ang mga bumili ng prangkisa nila sa kani-knilang diskarte. ‘Di dapat ganoon. Kung tunay na tagumpay ang sistema nila, dapat ‘yun mismo ang susundan. Sa larangan naman ng kanilang operasyon, dapat may systems manual na silang ginagamit. Ito kasi ang basehan ng kanilang maayos na operasyon na dapat mo lang sundin. May mga kasamang alituntunin na rin ito na susundan ng mga nasa frontline at management. Hanapin mo ito.

#4 Alamin ang halaga ng prangkisa at ang kakayahan mong i-operate ito

Kumusta naman ang aspetong pinansiyal mo? Maraming klase kasi ang business franchise at iba-iba rin ang mga binabayaran o pinaghahandaang pondo para rito. Mayroon kasing mga prangkisang kailangang maglaan ng pondo sa iba’t ibang aspeto gaya ng konstruksiyon, marketing, at marami pa. Alamin muna ang lahat ng nauukol sa kaperahan at pag-usapan muna ito ng mga partner mo (kung mayroon man).

#5 Humingi ng payo sa mga eksperto o konsultant

Sa anumang negosyo, ang payo ng mga eksperto ay mahalaga. Lalo na kung ito ay may kinalaman din sa mga prangkisa ng negosyo. ‘Di man pare-pareho ang uri ng mga negosyong nag-franchise, ang prinsipyo sa likod nito ay iisa lang naman. Suriing mabuti ang mga bagay na pasok sa kakayahan at kasanayan mo, at ‘yung ‘di mo naman alam. Dito mo ngayon malalaman kung anong klaseng eksperto ang kokonsultahin mo. Sa dulo kasi, ang naibibigay na payo ng mga eksperto ay nagpapaiksi ng panahon upang matutuo at makapagdesisyon nang maayos. Bukod sa mga eksperto sa pag-prangkisa, ang mga eksperto sa larangan ng accounting, marketing at operations ay mahalaga. Gayundin ang mga taong may kinalaman sa pagsasaayos ng kapital na kailangan mo at pati na rin ang pangungutang sabanko kung kinakailangan.

Pagtatapos

Sa panahon man ng pandemya o hindi, mahalaga ang pagkakaroon ng sariling negosyo. Naibahagi ko lang ang pagkonsidera sa iang prangkisa dahil mas maigsi na ang kailangang igugol sa pagtatayo at pag-aaral nito. Ang mahalaga pa rin ay ang pagsasaliksik sa lahat ng aspeto nito. Ang pagiging entrepreneur ay sadyang mahirap ngunit exciting. Magkaroon ka ng sipag at tiyaga at ang maging masinop sa lahat ng  bagay. Higit sa lahat, mangarap para sa kinabukasan kasama ng pagtiwala sa sarili at pananampalataya sa Diyos.

vvv

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com

2 thoughts on “BALAK KUMUHA NG BUSINESS FRANCHISE? ALAMIN MUNA ANG MGA ITO”

  1. 285164 644290Genuinely fighter messages are supposed to amuse offer praise into the groom and bride. First time audio system watching more than the top places should also remember you see, the senior guideline with the speaking, which is your particular person. finest man speeches brother 988464

  2. 526286 329425Superb weblog here! In addition your internet website rather a great deal up fast! What host are you utilizing? Can I get your affiliate hyperlink for your host? I wish my website loaded up as quick as yours lol. 931914

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *