BALAKID SA PAGBANGON NG MGA SINALANTA NG BAGYONG ODETTE

SA kasagsagan ng pagsirit ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa ating bansa, tila naisasantabi at nawawala sa usapan sa media ang problema ng mga lalawigan na tinamaan ng bagyong Odette bago matapos ang 2021.

Kasama na rito ang babala ng DoH at ng IATF sa patuloy na paglawak ng impeksiyon o pagkalat ng panibagong variant ng COVID-19 na pinangalanan na Omicron na tinatawag sa buong mundo bilang ‘super spreader’ sa labas ng NCR.

Kaya hindi kataka-taka kung tumaas din ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Visayas at Mindanao. Dapat lamang na gumawa ang mga lokal na pamahalaan sa ibang parte ng ating bansa ng mga paraan upang labanan ang pagkalat ng nasabing sakit at hindi pamarisan ang nangyayari sa NCR at mga karatig-lalawigan tulad ng Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.

Balik tayo sa tampok na isyu na nais kong talakayin. Alam ba ninyo na nahihirapan ang mga lalawigan na tinamaan ng bagyong Odette na makabangon dahil sa kakulangan ng mga construction materials tulad ng yero, semento, pako, bakal at iba pang materyal tulad ng tubo, plywood at iba pa?

Opo. Marami ang nagbigay ng tulong at donasyon sa mahigit 1.8 million na ating mga kababayan na naapektuhan ng nasabing delubyo. Ito ay sa mga lugar ng Surigao del Norte, Dinagat Islands, Southern Leyte, Bohol, Cebu, Negros Oriental at sa Palawan. Subalit ang problema ay nahihirapan silang ayusin ang kanilang mga nasirang tahanan dahil wala silang mabiling construction material. Kung mayroon man ay mahigit doble ang presyo.

Maraming organisasyon, korporasyon ang nagpadala ng tulong sa nasabing mga apektadong lugar.

Subalit nahihirapan ang mga kababayan natin, kasama na ang mga lokal na pamahalaan na makabangon muli dahil wala silang makalap na materyal panggawa ng mga bahay at gusali.

Noong isang araw, napakinggan ko ang panayam sa radyo kay Bohol Gov. Arthur Yap at emosyonal na dumaing sa kawalan ng suplay ng yero sa kanilang lalawigan. Baka hindi alam ng iba sa atin na mga taga-Luzon na patuloy pa rin ang pag-ulan sa lugar ng Visayas at Mindanao sa panahon na ito. Hindi tulad sa atin na nakararanas tayo ng malamig at magandang panahon. Eh, paano nila makukumpuni ang mga nasirang bahay nila doon?

Ngayon lang yata nangyari ang ganitong sitwasyon sa ating bansa kung saan nagkahirapan makakalap ng construction material sa mga tinamaan ng malakas na bagyo.

Noong Bagyong Yolanda, hindi naging isyu ang construction materials. Mabilis nila na naayos ang mga nasirang bahay at gusali. Ang naging isyu noon ay ang maling koordinasyon sa pamimigay ng mga relief goods ng mga lokal na pamahalaan na nagresulta sa pagkabulok ng mga bigas at iba pang relief goods.

Bakit kaya umabot sa ganitong sitwasyon? Ano ang ginagawa ng Department of Trade and Industry (DTI) sa problema ng mga kababayan na nasalanta ng bagyong Odette?

Matatandaan, ilang buwan na ang nakararaan na nagpalabas ng Department Administrative Order (DAO) ang DTI na naghihigpit sa importasyon ng ilang mahahalagang construction materials tulad ng plywood, tubo, bakal at yero. Ang kanilang rason daw dito ay upang makasiguro ang mga mamimili ang kalidad ng nasabing mga materyal.

May mga umalma sa nasabing direktiba ng DTI. Para sa kanila, ang nasabing direktiba ay maaaring magpataas ng presyo ng mga sinasabing materyales at maaaring hudyat para sa mga importer na laktawan ang ating bansa at unahin ang mga ibang bansa na mas maluwag ang requirements upang magpadala ng kanilang produkto.

Hindi ko sinasabi na ito ang ugat ng kakulangan o kawalan ng mga construction materials sa nasabing mga lugar. Isang palaisipan lamang kung bakit nga ganito ang nangyayari sa ating mga kababayan na biktima ng bagyong Odette.

Sabi nga ni Gov. Yap na mahal na raw ang pako doon. Ang mga plywood at G.I. sheets ay halos nagtriple na ang presyo. Iyan ay kung may mahanap sila. Kaya kahit may pambili, wala ka namang mabili.

Ano ngayon ang ginagawa ng DTI sa problemang ito? Paano nila mare-regulate ang presyo ng construction materials kung wala namang dumarating? Ika nga ng dating programa sa isang istasyon na nawalan ng prangkisa…HOY GISING!!!