‘BALANCED AGRICULTURE AGENDA’ ITINUTULAK NG PH FOOD PRODUCERS

Stratbase ADR Institute

NAGPULONG-PULONG sa isang virtual Town Hall Discussion ng Stratbase ADR Institute kamakailan ang food producers ng bansa at humingi ng isang matibay at malawak na kooperasyon sa pagitan ng gobyerno at ng mga sektor ng agrikultura at food manufacturing upang matiyak ang produksiyon at suplay ng pagkain ng mga Filipino ngayong panahon ng pandemya.

Pinag-usapan ng agricultural stakeholders at policymakers ang mga problema sa food supply chain ng Filipinas at ang mga solusyon dito sa gitna ng krisis sa COVID-19 dahil maraming manggagawa sa sektor ng agrikultura ang nahihirapan.

“A strong degree of cooperation between the government and industry sector should be synchronized to protect and enable agricultural food production and distribution during this crisis and beyond,” ani Prof. Dindo Manhit, presidente ng Stratbase ADR Institute.

Sinabi ni Manhit na kailangang paunlarin pa at hindi na dapat naaantala ang ikot ng agrikultura upang makasiguro na tuloy-tuloy lang ang dating ng pagkain at palaging may access dito ang mga mamamayan.

Lubhang apektado hindi lang ang suplay ng pagkain ng bansa kundi pati ang ilang milyong magsasaka, mangingisda, at manggagawa ng maliliit na negosyo dahil sa mga restriksiyon sa transportasyon at limitadong galaw ng mga tao dahil sa lockdown measures at takot sa panganib ng virus.

Ipinunto ni Philippine Association of Feed Millers Inc. president Nikki Sarmiento-Garcia na ang walang patid na pagpapatupad ng mga programa at patuloy na pagsuporta ng Department of Agriculture (DA) ang higit na kailangan sa ngayon ng sektor ng agrikultura.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Garcia na kailangang nakabase sa mga ebidensiya at datos ang paglikha at pagpapatupad ng mga polisiya ng pamahalaan upang matugunan ang suliranin sa hindi nagkakatugmang exportation at importation.

Nanawagan naman si Rex Agarrado ng Philippine Association of Meat Processors na isainstitusyon ang pagbibigay ng accreditations sa foreign meat establishments upang hindi bahain ang merkado ng karneng galing sa ibang bansa at maprotektahan ang kabuhayan ng mga lokal na magkakarne.

May pamagat na “Managing Food Supply Chains Amidst a Pandemic: A Multi-Stakeholder Perspective”, dumalo rin sa nasabing online forum ang iba pang stakeholdersa tulad nina Elias Jose Inciong ng United Broiler Raisers Association at Dr. Roehlano Briones ng Philippine Institute of Development Studies, gayundin sina policymakers Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat at Agriculture Usec. Ariel Cayanan na parehong nagpahayag ng suporta sa napapanahong panawagan ng industriya.

“Imports should always be the last resort, meaning we have to, and we should be, actually, providing it here,” anang opisyal ng DA.

Comments are closed.