BALANGIGA BELLS SA MUSEUM TINUTULAN NG MGA BISHOP

balangiga bells4

TINUTUTULAN ng Obispo at mga clergy ng Diocese of Borongan, Eastern Samar, ang panukalang ilagak ang isa o lahat ng Balangiga bells sa National Museum.

Samantala, naniniwala naman ang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ang pagbabalik sa bansa ng mga naturang makasaysayang kampana ay daan tungo sa paghihilom at pagkakasundo-sundo.

Ayon sa Borongan Diocese, isang kawalan ng paggalang at pagsira sa kasaysayan ang natu­rang planong ilagak sa National Museum ang mga kampana.

Iginiit nito na ang mga naturang kampana ay hindi dapat na ilagak sa museo at sa halip ay nararapat na ibalik lahat sa parokya ng Saint Lawrence, Deacon and Martyr sa Balangiga, Eastern Samar, na siyang makasaysayan at tunay na tahanan nito.

“We, the Bishop and Clergy of the Diocese of Borongan collectively object to and strongly stand against the transfer of one or all of the bells of Balangiga from their historical and rightful habitat,” anang diyosesis sa isang pahayag.

“Any effort aimed at such a transfer is a disrespectful mangling of history and the right of the Catholic faithful of Balangiga to their private property,” anito pa.

Nanindigan pa ang diyosesis na isang karahasan sa kasaysayan at maging sa sagradong karakter at layunin ng Balangiga bells, ang maidudulot ng naturang resolusyon ng Senado.

Itinuturing din ng diyosesis na sagradong artepakto ang mga natu­rang kampana, na siyang tumatawag sa mga mananampalataya para sa sakramento ng banal na Eukaristiya, kaya’t karapat-dapat itong ibalik sa simbahan at hindi sa National Museum.

Nauna rito, alinsunod sa Senate Resolution No. 965, hinihikayat ang paglalagay ng isa o lahat ng mga kampana sa National Museum.

Samantala, para naman kay CBCP President Archbishop Romulo Valles, ang pagbabalik sa bansa ng mga kampana ay isang magandang pagkakataon upang higit na maunawaan ang kasaysayan.

“It also demonstrates that the path to healing and reconciliation may be arduous but is never impossible,” ayon pa kay Valles.

Matatandaang ang Balangiga bells ay pinatunog ng mga Pinoy noong salakayin sila ng mga sundalong Amerikano noong 1901.

Nang magwagi sa giyera ang mga Amerikano ay tinangay nila ang mga naturang kampana bilang ‘war booty’ at naiuwi lamang ito sa Filipinas nitong Disyembre 11, 2018. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.