NALAMPASAN na ng Filipinas ang China sa rami ng positibong kaso ng COVID-19 nang maitala ng Department of Health na 93,354 na Filipino na ang nahawaan at pinakamaraming bagong kaso sa isang araw na umabot sa halos na 4,000. Panawagan ngayon ng medical community, ilagay muli ang Metro Manila sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) upang mabigyan ng oras ang mga ospital at mga medical frontliner na makabawi sa walang tigil na pagdami ng mga pasyente dahil sa COVID-19.
Hindi maawat ang pagkalat ng virus sa bansa at kritikal na ang lagay ng pangkalahatang healthcare system. Pero malaki naman ang epekto sa ekonomiya kung muling isasara ang malalaking mga negosyo at mawawalan muli ng pagkakakitaan ang mga manggagawa. Kung hindi man kakayanin na i-lockdown muli ang NCR, isang balanseng sistema ang kinakailangan para masolusyonan ang dumaraming kaso ng mga nagpopositibo sa virus.
Ang pinakauna dapat sa listahan ay ang pagpapaigting ng mga programang makapagpapabuti sa healthcare system para sa lahat, bagay na ayon sa administrasyon ay tuloy-tuloy ang implementasyon. Sa ikalimang State of the Nation Address (SONA), iginiit ito ni President Duterte at tiniyak na hindi tayo patatalo sa pandemya ng coronavirus. Pinuri ng Presidente ang Universal Health Care Law, partikular na ang Malasakit Centers Act na, aniya, ay naging kasangkapan sa pagpapanatili ng kalusugan ngayong nahaharap tayo sa pandemya.
Bukod dito ang panukalang One Hospital Command ng DOH na inaasahang magbibigay ng mas epektibong sistema sa pamamahala ng pagtanggap ng mga pasyenteng positibo sa COVID-19. Layunin umano ng programang ito na mas mapabuti ang ugnayan ng mga pampubliko at pribadong ospital at health centers sa pagtanggap at pag-refer ng mga pasyente. Mas dadagdagan din ang kapasidad ng mga ospital para sa COVID-19 cases, lalo na sa public hospitals hindi lang sa NCR kundi sa ibang rehiyon sa bansa, para makatulong sa dumaraming kaso.
Nabanggit din ni Presidential Spokesperson Harry Roque na puwede na ring palawigin ang targeted testing sa pamamagitan ng “pool testing” o “batch testing” kung saan maaaring gamitin ang isa lamang na reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test kit para ma-test ang 10-20 na tao.
Binibigyan na rin ng mas malawak na responsibilidad ang mga local government unit o LGU para makontrol ang pagtaas ng kaso sa kani-kanilang lungsod. Ang Quezon City ngayon ay may localized lockdown, habang pinagbigyan naman ni Mayor Isko Moreno ang Ospital ng Maynila na pansamantalang hindi muna tumanggap ng mga bagong pasyente dahil sa pagdami ng positibong kaso maging sa staff nito. Gagamitin din ang mga araw na ito para mag-disinfect ng mga pasilidad ng ospital.
Naipasa na rin ang pangalawang Bayanihan Heal as One Act kung saan nakapaloob ang P140 billion na nakalaan para bigyang pondo ang gobyerno na magpatupad ng mga programa para makabangon sa pandemya. P10 billion umano sa halagang ito ay nakatabi para sa pag-procure ng testing equipment, extraction kit at iba pang medical supplies, at para mapalawak pa ng DOH ang kapasidad nito para makontrol at tuluyang masugpo ang COVID-19.
Tuloy-tuloy rin ang pribadong sektor sa pagtulong sa gobyerno para mabigyan ng nararapat na ayuda ang mga naapektuhan, kabilang na ang nagkasakit at nawalan ng pangkabuhayan. Isa na nga rito ang grupo ng mga ospital at mga kompanya na pinamamahalaan ni Manny V. Pangilinan, ang Chairman ng MVP group of companies. Bukod sa pagtataas ng kapasidad ng mga ospital nito para sa COVID-19 patients, tuloy-tuloy pa rin ang mga programa ng mga kompanya sa ilalim ng grupo kagaya ng pagbibigay donasyon at karampatang tulong sa mga Filipinong apektado. Kasama na rin diyan ang piniling isantabi muna ang kita at unahin na makatulong sa pamahalaang Duterte at sa mga iba pang nangangailangan.
Higit sa lahat, ang pinakaepektibong solusyon ay nakasalalay sa mga mamamayan mismo. Tuloy-tuloy ang komunikasyon ng DOH ukol sa tamang mga paraan para makaiwas sa sakit, kabilang na ang paghuhugas ng kamay, social distancing, pagsusuot ng protective equipment gaya ng masks at face shields, at pamamalagi sa bahay.
Tulungan natin sa sarili nating paraan ang gobyerno at medical community para malabanan ang pandemya.
Comments are closed.