BALASAHAN PA SA BIR

Erick Balane Finance Insider

ANG UTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte na balasahin ang mga key official ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ay hindi lamang para masugpo ang katiwalian sa Kawanihan, kundi para matulungan ang gobyerno na makamit ang P2.08 trilyon na tax collection goal nito ngayong 2021, ayon kay Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III.

“Following the President’s directive, we are awaiting for the BIR to submit to us their proposed movement of officers and personnel for my approval,” sabi ni Secretary Dominguez.

Pero bago pa ang utos ng Pangulo na i-reshuffle ang mga key official ng BIR, nasimulan na ni Commissioner Billy Dulay ang balasahan sa Kawanihan na nagresulta ng pagtaas ng tax collections sa mga regional at district office sa buong kapuluan.

Sa katunayan, sinabi ni Commissioner Billy na ang BIR ay nakakolekta ng P1.89 trilyong buwis noong nakalipas na taon, katumbas ng 12.7% o mas mataas sa downscaled full-year goal na P1.69 trilyon.

Inihalimbawa ng BIR ang Revenue District Office ng Valenzuela City na sa mga nakalipas na limang taon ay himalang naka-goal mula sa pagkakalugmok sa pagbagsak ng koleksiyon nito matapos italaga ni Commissioner Dulay si RDO Rufo Ranario.

Ang dating bagsak na tax collection ng Valenzuela BIR ay siya ngayong nangunguna sa overall tax collections sa bansa sa kabila ng pamiminsala ng pandemya.

Batay sa tax record performance ni RDO Ranario, mula buwan ng Enero hanggang Disyembre ay nagawa nitong malampasan ang iniatang sa kanyang tax goal. Nakapagrehistro ito ng koleksiyon na P212,651,599.8 mula sa income tax, P130,393,527.45 sa value added tax, P5,689,156.54 sa percentage tax at tinatayang P52,815,261.21 naman sa iba pang buwis o kabuuang koleksiyong umaabot sa P401,549,544.88 na katumbas ng 132.35% sa day-to-day/monthly collections at 40.93% sa total collections.

“The month of December 2020 shows us an excess collections goal by P135,735,000.37 or 47.64% equivalent. This collection figures still put us in No. 1 in Revenue Region-5 both in monthly basis or commulative basis covering the period January to December last year,” paliwanag ni Caloocan City BIR Regional Director Gerry Dumayas.

Inaasahan ni Secretary Dominguez na sa kabila ng magandang tax collection performance na ipinamalas ng BIR sa taong 2020, magsusumite sa kanya si Commissioner Dulay ng panibagong talaan sa pagbalasa ng mga key official upang mas mapataas pa nito ang koleksiyon sa buwis ngayong 2021.

“I’d like to request Atty. Dulay sa BIR, magbalasa ka ng tao tapos ibigay mo sa akin ang listahan. And I will review if it would promote the service of these people to the country. Hindi ko na sasabihin, basta BIR alam mo na,” ayon sa direktiba ni Pangulong Duterte kay Dulay kamakailan.

Tila napikon ang Chief Executive sa maraming sumbong na nakarating sa kanya laban sa sinasabing sangkot sa mga katiwalian, pangongotong, pagsasamantala sa taxpaying public at paglulustay ng salapi ng bayan, bukod pa sa madalas na pagbubulakbol sa paglalaro ng golf during office hour.

Gusto ng Presidente na balasahin ni Dulay ang mga opisyal, sibakin o ilagay sa ‘freezing capacity’ ang mga notorious, misfits at undesirable officials and men sa Kawanihan.

Gumulong na ang imbestigasyon sa mga natuklasang katiwalian sa BIR gaya ng adjusted tax payments na mas malaki ang naibubulsa, mabilisang pagtatapos ng tax cases, paghingi ng suhol, mga revenue project na nilustay ang pondo, at mga may unexplained at ill-gotten wealth.

Pinangalanan ni Duterte ang mga BIR personnel na dinismiss dahil sa corruptions. May 26 pangalan ang binanggit ng Pangulo bilang bahagi ng kanyang intensified campaign laban sa katiwalian sa gobyerno.

Ang mga ito ay nahaharap sa administrative complaints dahil sa grave misconduct, dishonesty, at malversation of public funds na may kinalaman sa umano’y unremitted cash collections at iba pang pagkakasala.



(Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected].)

Comments are closed.