BALASAHAN SA BI IGINIIT

IGINIIT ni Senadora Risa Hontiveros ang pagbalasa sa Bureau of Immigration (Bi) dahil sa umano’y mga iregularidad dito.

Bukod dito, sinabi ni Hontiveros na kinakailangang proteksiyunan ang mga Pilipino na umaalis ng bansa.

Nais din ng senadora na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa BI na pinaniniwalaang may mga koneksiyon sa Chinese mafia.

“Marami nang napabalitang nasibak pero tuloy-tuloy pa rin ang pagre-recruit ng mga Pilipino para mang-scam. May mga contact pa ba ang sindikato sa loob ng BI? Bakit hindi ito maampat?” tanong ng senadora.

Sinabi niya na nang ibunyag niya ang Pastillas scam ay ipinanawagan na niya ang balasahan sa BI ngunt tila walang nagbago gaya na lamang umano ng ilegal na pagpapadala ng mga Pilipino sa Cambodia at Thailand.

Maaari aniyang suriin ang Immigration Modernization bill para mas maging epektibo ang Immigration Bureau sa pamamagitan ng taas-suweldo ng mga kawani nito at immigration system updates.

Kasabay nito, sinabi ni Hontiveros na dapat magpaliwanag ang Facebook dahil sa social networking site kung saan nag-uugat ang ‘trafficking’ ng mga Pilipino.

“Facebook needs to be answerable for these trafficking schemes that are perpetrated on their platform. The company has to be aware of this modus and be on the lookout for these kinds of posts. I-take down o i-block na dapat ang mga accounts o posts na mga ito para hindi na makapag-recruit pa ng Pilipino,” dagdag pa ng senadora.
LIZA SORIANO