SINIMULANG balasahin ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang mga key official sa ahensiya upang higit na mapaigting ang tax collections at makuha ang target nitong P3 trilyon ngayong taon.
Tiniyak ni Commissioner Lumagui na hindi mababahiran ang isinasagawa niyang major shske-up sa ahensiya at hindi paiiralin ang padrino, bata-bata system, palakasan o “political backer” dahil ibabase niya sa tax collection performance ang merito ng promotions at designations kaugnay ng balasahan.
Mahigpit ang isinasagawang pag-monitor ni Commissioner Lumagui sa hanay ng mga key official hanggang sa pinakamababang puwesto sa bureau.
Sa Revenue Travel Assignment Order No. 216-2024 ng (RTAO) na aprubado ni Finance Secretary Ralph Recto, itinalaga ng BIR chief sa mga bagong puwesto sina BIR Assistant Commissioner for Collections Joseph Catapia; Magdalena Ancheta, Head Revenue Assistant; Regional Directors Renato Molina (Makati City), Mahinardo Mailig (Manila), Rodel Buenaobra (Quezon City), Emilia Combes (Iloilo City), Dante Tan (LaQueMar), Carmen Grace Comoda (HREA, Collection) at Grace Dizon Cadof, HREA Planning and Management Service.
Samantala, sinampahan ng plunder at iba pang criminal cases ng isang nagpakilalang veteran media practitioner sa Office of the Ombudsman ang isang opisyal ng BIR upang mabawi ng gobyerno ang umano’y ill-gotten wealth nito na nagkalahalaga ng P150-milyon.
Sa kanyang letter-complaint kay Ombudsman Samuel Martires, sinabi ng nagreklamo na tumangging ipaabanggit ang pangalan na may kabuuang halaga na halos P900-milyon ang “ill-gotten wealth” ng naturang opisyal pero P150-million lamang ang kaya niyang patunayan.
Sinasabi sa batas (graft and corruptions) na sakaling aksiyunan ng Ombudsman ang kasong plunder na isang non-bailable offense ay nakakulong ang akusado habang nililitis ito.
Wala pang ideya ang tanggapan ni Commissioner Lumagui sa pagkakakilanlan at posisyon ng kinasuhang key official subalit handa itong aksiyunan ng BIR boss sakaling lumantad sa kanya ang nagreklamo.
Si Lumagui na kasalukuyang out of the country sa isang special mission ay galit sa sinumang opisyal o kawani ng Rentas na nasasangkot sa anumang katiwalian at agad nitong sinisibak sa puwesto upang hindi pamarisan.
Sa katunayan, buhat nang maupo ito sa puwesto, nasa 21 opisyal at kawani na ang natanggal sa puwesto dahil sa paggawa ng katiwalian.
Mahigpit na nilalabanan ni Commissioner Lumagui ang katiwalian sa ahensiya at patuloy rin ang paghabol nito sa mga tax evader para matanggal sa serbisyo at masampahan ng criminal cases sa Department of Justice, Office of the Ombudsman at maging sa iba pang korte.