ILANG araw bago magsimula ang Campaign period ay nagkaroon ng balasahan sa hanay ng Philippine National Police sa Camp Crame, sa Quezon City.
Ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos, may kabuuang 39 na Police Chiefs sa iba’t ibang Region ang maaapektuhan sa isinagawang pagbalasa pero nilinaw nito na noong pang Enero 8 nagsimula ang pagpapalit sa puwesto kasabay ng pagpapatupad sa COMELEC gun ban.
Sinabi pa ni Carlos na ang ginawang balasahan ay upang matiyak magkakaroon ng malinis na halalan sa darating na Mayo kasabay nang panghihikayat sa mga pulis na umiwas sa partisan politics.
“We have a policy during election period na kapag inabot na ng one year sa puwesto ang mga Provincial Director o Chief of Police na pinili ng Local Executive Government or Governor ay kilala na sila ng mga appointing party na pumili sa kanila kaya inaalis namin para matanggal yung familiarity o baka maka-apekto sa election, kaya inapply namin ang Rotation policy at ililipat sa Admin Office kaya nagpadala kami ng hindi nila kilala at hindi nila abot,” ani Carlos.
Ilang sa mga naapektuhan sa isinagawang balasahan ay sina MGen. Herminio Suarez Tadeo Jr. na itinalaga sa Directorate For Personnel and Records Management; BGen. Eliseo dela Cruz na dating nakatalaga bilang Regional Director sa CALABARZON ay inilipat bilang acting Deputy Commander, Area Police Command sa Visayas at pinalitan naman siya ni BGen. Antonio Yarra bilang Regional Director ng CALABARZON na dating District Director ng Quezon City Police District kung saan ay pinalitan naman siya ni BGen. Remus Balingasa Medina na dating director ng PDEG.
EVELYN GARCIA