PARA sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), ang posisyon ni Tab Baldwin bilang project director ng Gilas Pilipinas program ay mananatili.
Sa kanyang pagsasalita sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum webcast, sinabi ni SBP Executive Director Sonny Barrios na pangungunahan pa rin ni Baldwin ang paghahanda ng national team para sa 2023 FIBA World Cup na iho-host ng bansa kasama ang Japan at Indonesia.
Bagama’t inamin ni Barrios na nagbigay ng public statements ang 62-year-old na si Baldwin, head coach din ng Ateneo Blue Eagles, na nakasira sa imahe ng basketball sa bansa, hinayaan ng governing body para sa sport ang American-New Zealander na manatili at pangunahan ang programa ng Gilas para sa world basketball championship, dalawang taon mula ngayon.
“Sa ngayon wala naman not unless magsasalita ulit siya nang wala sa lugar,” pagbibigay-diin ni Barrios sa weekly session kung saan sinamahan siya ni SBP Director for Operations Butch Antonio.
Ayon kay Barrios, dating commissioner ng PBA, plano ni SBP President Al S. Panlilio na magkaroon ng video conference kay Baldwin at sa top officials at staff ng federation para tugunan ang programa ng Gilas.
Gayunman, binigyang-diin ng SBP executive na wala namang permanente.
“In any given situation, nobody has a lock on position, not me, not Butch, not anybody,” dagdag ni Barrios.
“As they always say, we serve at the pleasure of the president.”
Si Baldwin, pinagmulta ng P75,000 ng PBA at sinuspinde ng tatlong laro sa kanyang kapasidad bilang assistant coach ng TnT Katropa – isang posisyon na tinanggal na sa kanya- ay kinausap at pinagsabihan na ng SBP para sa kanyang mapanuring mga komento.
“Mr. Panlilio said the opinions that Tab Baldwin expressed were his personal ones, they were not aligned with the position of the SBP and certainly, not aligned with the personal opinion of president Al Panlilio.”
Bukod sa gulong nilikha ni Baldwin, sinabi ni Antonio na ang global outbreak ng COVID-19 pandemic ay pangunahing balakid sa basketball program ng bansa, lalo na pagdating sa paghahanda sa 3×3 Olympic qualifier at sa qualifying tournament para sa FIBA Asia Cup sa susunod na taon.
“Ang hirap pa ring makagalaw, but we just have to make sure that it’s in our awareness na mayroon pa rin tayong dapat pag-handaan,” ani Antonio, ang dating Gilas Pilipinas team manager.
Ang 3×3 Olympic qualifier kung saan kabilang ang Gilas sa 20 bansa na nasa kontensiyon para sa tatlong berths na nakataya sa Tokyo Games, ay iniurong sa May 2021, habang ang FIBA Asia Cup qualifiers ay ipagpapatuloy sa November bagama’t nakansela ang games noong nakaraang February.
Samantala, inihayag ng SBP na nakalikom ito at nagkaloob ng financial assistance sa mga basketball personnel, karamihan ay referees at table officials, sa grassroots at barangay levels sa panahon ng lockdown.
Comments are closed.