BALIK-ALINDOG MATAPOS ANG HOLIDAY

BALIK-ALINDOG

TIYAK na marami sa atin ang namomroblema kung paano magbabawas ng timbang matapos ang holiday. Panigurado kasing sa rami ng pagkaing nilantakan natin ay nadagdagan ang ating mga timbang.

Suwerte ang ilan na hindi tumataba kahit na kumain ng sobrang dami. Pero iyong mga taong kumain lang ng kaunti ay tumataba na, tiyak na problemado ngayon.

At dahil marami sa atin ang malamang ay nadagdagan ang timbang matapos ang holiday, narito ang ilang simpleng tips para maibalik ang alindog:

MAG-SET NG GOAL

Unang-unang kaila­ngan nating gawin ay ang pagse-set ng goal. Ilang pounds ba ang kailangan mong tanggalin?

Kailangan din ang pagse-set ng goal para may gabay ka sa balik-alindog na iyong gagawin.

At sa pagda-diet, iwasan din ang maya’t mayang pagtingin sa timbangan.

Mag-stick din sa goal.

DAHAN-DAHAN LANG SA PAGPAPAPAYAT

BALIK-ALINDOG-2Hindi nakukuha sa overnight ang pagpapapayat o pagbabawas ng timbang.

May ilan na sa kagustuhang pumayat kaagad, pamatay na pagda-diet ang gagawin. Kumbaga, halos ayaw kumain. Pero hindi maganda ang ganitong gawi. Hindi ito makatutulong sa pinaplano mong pagbabawas ng timbang.

Dahan-dahan at huwag bibiglain ang pagpapapayat.

IWASAN ANG DEHYDRATION

Importante rin sa pagpapapayat ang mapanatiling hydrated ang katawan. Kaya naman, kahiligan na ang pag-­inom ng maraming tubig. Ugaliin din ang paggawa o pag-inom ng mga green smoothie dahil malaki ang maiaambag nito sa plano mong pagbabawas ng timbang.

NGUYAING MABUTI ANG KINAKAIN

BALIK-ALINDOG-3Mabilis kung kumain ang marami sa atin. Ilang nguya lang ay nilulunok na kaagad.

Sa mga mabibilis diyan kumain, kung gusto mong mapanatili ang iyong katawan o gusto mong mabawasan ang iyong timbang, importanteng nangunguya ninyong mabuti ang inyong kinakain.

Mas madali kasing tunawin ang pagkain kung nanguya itong mabuti. Mas madali ring maa-absorb ang sustansiyang taglay nito.

At kung ngunguyain ding mabuti ang pagkain, hindi ka mapakakain ng sobra o marami.

UMINOM NG TUBIG SA PAGITAN NG BAWAT MEALS

Hindi lang din tayo dapat umiinom ng tubig kapag nauuhaw. Oo, nga’t kailangan nating mapanatiling hydrated ang ating katawan.

Makabubuti rin ang pag-inom ng tubig sa pagitan ng meals dahil  matutulungan nitong bumilis ang metabolism. At kung mabilis ang iyong metabolism ay maiiwasan mo ang pagtaba o ang pagdaragdag ng timbang.

Kaya naman, kung nag-iisip ka ng pinakasimpleng paraan para pumayat, huwag kaliligtaan ang pag-inom ng tubig sa pagitan ng bawat meals.

Nakatutulong din ito upang ma-eliminate ang toxins at fluids.

DINNER, IMPORTANTE SA PAGPAPAPAYAT

BALIK-ALINDOG-4Marami sa atin na kapag dinner, saka kumakain o napakakain ng marami. Dahil nga naman abala sa umaga at tanghali, kung minsan ay nakaliligtaan na ang kumain at binabawi na lamang sa hapunan.

Malaki ang tiyansa ng pagdaragdag ng timbang sa pagkain ng ma­rami sa hapunan. Kaya kung ang goal mo ay magpapayat matapos na kumain ng sangkatutak nitong nagdaang holiday, isaalang-alang ang hapunan. Kumbaga, huwag kakain ng sobrang dami sa hapunan. Piliin ang mga light food lang. Puwedeng kumain na lang ng prutas o salad sa hapunan. O kaya naman oats o crackers.

PILIIN ANG TAMANG EHERSISYO

BALIK-ALINDOG-5Kapag gustong pumayat ng isang tao, dalawang bagay ang laging nasa isip nila. Una, ang mag-skip ng pagkain. Kung puwede nga lang na kumain lang ng isang beses sa isang araw ay gagawin nila.

Pangalawa, ang mag-ehersisyo ng sobra-sobra. Para nga naman matanggal ang taba sa katawan, papatayin ang sarili sa pag-eehersisyo.

Hindi natin kaila­ngang pahirapan ang ­ating sarili. Hindi porke’t gusto nating pumayat ay hindi na tayo kakain at mag-eehersisyo tayo ng todo.

Maling paraan ito ng pagpapapayat. Ang ma­inam gawin ay ang pagkain ng tamas sa oras at ang pagpili ng ehersisyong tama sa iyo.

Hindi lahat ng ehersisyo ay swak sa iyo kaya naman, mainam ang pagtatanong sa eks­perto.

Masarap ang kumain. Pero kung hindi tayo magi­ging maingat sa ating kakainin, tiyak na madaragdagan ang ating timbang. Masaklap pa kung dahil sa kinakain natin ay magkakaroon tayo ng sakit.

Kaya naman, ma­ging maingat tayo sa ating sarili, gayundin sa ating mga kinakain. Higit sa lahat, kung magbabawas ng timbang, huwag na huwag bibiglain ang sarili o katawan. Hinay-hinay lang.  CT SARIGUMBA

Comments are closed.