(ni SARIGUMBA-JUSAY)
MAY EXTRA pounds ka bang nakuha sa kakakain mo ng bongga nitong nagdaang holiday seasons? Kung oo, malamang hindi lang ikaw ang namomroblema kung paano tatanggalin sa kanilang katawan ang nadagdag na taba.
Marami sa atin ang naglilista ng mga bagay na gusto nilang magawa sa buong taon o ang tinatawag na New Year’s Resolution. Hindi magpapahuli sa listahan ang balik-alindog program diyan. Ang karamihan pa, ilang taon na ang planong pagpapapayat pero hindi naman magawa-gawa.
Tila may sariling buhay ang mga pagkain na tumatawag sa ‘yo at hindi mo matanggihan. Sa totoo lang ang pagpapapayat ay magsisimula sa sarili mong kagustuhan at motibasyon. Kung hindi ka naman talaga desidido ay walang mangyayari kahit taon-taon mo pang ilagay sa New Year’s Resolution mo ang pagpapapayat.
Ilan sa tip na maibibigay ko ay ang pagbabawas ng kanin. Mahilig tayo sa mga kainang may unli rice dahil pakiramdam natin ay sulit ang binabayad natin dito. Kinakailangan matuto ka munang kontrolin ang sarili mo sa paglamon ng kanin dahil ito ang isa sa nagpapadagdag ng iyong timbang.
Iwasan din ang madalas na pagkain ng chocolate o ilang matatamis na pagkain. Kung titingnan mo maliliit lang ang mga ito pero siksik naman sa calories at pampataba. Magiging mitsa din ito sa iyong kalusugan dahil maaari itong maging sanhi ng pagkakaroon ng diabetes.
Dapat matuto ring uminom palagi ng tubig dahil makatutulong ito para linisin ang iyong katawan. Sa ganitong paraan makaiiwas ka rin sa madalas na pagkain dahil pakiramdam mo ay palagi kang busog.
Maraming mga nagkalat na paraan ng pagda-diet sa internet pero hindi dahil naging epektibo sa iba ay magiging epektibo na rin sa ‘yo. Kinakailangan mong hanapin ang swak para sa iyong katawan. Kahit sa pag-eehersisyo may mga swak sa iba na hindi naman epektibo para sa ‘yo.
Isa sa nasubukan kong epektibong paraan ng pagbabawas ng timbang ay ang intermittent fasting. May walong oras ka lang na puwedeng kumain. Lahat ng gusto mong kainin sa loob ng walong oras ay puwede pero dapat marunong ka ring magpigil ng sarili kapag hindi oras ng pagkain mo.
Halimbawa ang napili mong oras ng pagkain ay mula alas dose ng tanghali hanggang alas otso ng gabi. Kinakailangan maging istrikto ka sa napili mong oras. Puwede kang mamili ng oras kung ano ang tingin mong mas kakayanin ng katawan mo. Ang mahalaga lang dito ay malimita ang pagkain mo ng walong oras lamang.
Maganda rin ang uring ito ng pagda-diet dahil napakaikli ng walong oras para makain mo ang lahat ng gusto mo. Kahit pa maraming pagkain ang nakahanda sa iyong harapan ay hindi ka makakakain ng ganoon karami dahil puno pa ang tiyan mo mula sa nauna mong kinain.
Hindi mo kailangang mag-ehersisyo, ang mahalaga rito ay marunong kang sumunod sa oras at kaya mong limitahan ang sarili mo para makuha ang inaasam na timbang. Hindi lang naman para maging maganda ka o para maging payat ang isang tao kaya nagbabawas ng timbang. Maraming pagkakataon na mas nakakatulong ito para maging malusog tayo.
Kung hindi magsisimula sa kagustuhan mo na mas maging mapagmatiyag sa iyong kalusugan ay wala kang ibang maaasahan na gawin ito para sa ‘yo.
Ang ating kalusugan ang isa sa dapat nating pahalagahan dahil ito ang pundasyon natin sa lahat ng ating buong taon. Kapag malusog ka mas makakatipid ka at magkakaroon ng sapat na pera para makagala at makakain sa gusto mong lugar. (photos mula sa stevetobak.com at medicalexpress.com)