SA SUSUNOD na taon pa posibleng maging ganap na fully operational ang LRT-2 matapos na masunog ang power transformer ng isa sa mga tren nito.
Ito ang inihayag ni Atty. Hernando Cabrera, spokesman ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na marami pa silang dapat alamin sa imbestigasyon bago mapalitan ang dalawang rectifier na nasunog.
Nabatid na ang rectifier ang kumokontrol sa daloy ng 1,500 volts ng koryente na nagpapatakbo sa mga tren.
Ani Cabrera, imported ang mga kailangang spare parts upang mapalitan ang mga nasirang rectifier kaya’t mangangailangan ito ng mahabang panahon.
Idinagdag pa nito, nais sana ng LRTA na magpatupad ng partial operations subalit naging komplikado ang sitwasyon matapos makulong sa pagitan ng dalawang nasunog na rectifier ang pitong tren.
“Kasi po, nakulong po ‘yong pitong tren doon sa area between Recto hanggang Anonas, ang problema po natin, ‘yung maintenance facilities po natin ay nandoon po sa depot sa Santolan which hindi naman po sila makakatawid doon sa affected na area sa may Katipunan; pangalawa po, somehow, naapektuhan din po ‘yung signaling system natin, ito po ‘yung computerized system natin na siyang nagcocontrol sa speed at safe distance ng ating mga tren,” ani Cabrera.
Kaugnay nito, nagtalaga ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng bus na magbibigay ng libreng sakay mula Santolan patungong Cubao dahil hindi bumibiyahe ang LRT-2 na araw-araw na gamit ng mga pasahero sa kanilang pagbiyahe.
Ayon sa LRTA, simula kahapon ng umaga ay tambak ang mga pasahero sa LRT-2 Santolan Station kung kaya humiling sila ng augmentation sa MMDA.
Ang mga tauhan naman ng InterAgency Council for Traffic (I-ACT) Task Force Alamid at Team Dragon ang nagmamando ng traffic sa Katipunan station dahil sa dami ng pasaherong nag-aabang sa lugar ay pahinto-hinto doon ang mga pampublikong sasakyan para magsakay ng pasahero.
Ayon pa kay Cabrera, nasa 200,000 pasahero na bumibiyahe patungong Pasig, Marikina, Quezon City, San Juan at Maynila ang siyang maaapektuhan. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.