BALIK-PASADA NG LUMANG JEEP MALABO PA

JEEPNEY-2

PINAKAKALMA ng pamahalaan ang mga nag-aalborotong jeepney driver at operator sa gitna ng banta ng mga ito na ibabalandra at susunugin sa mga lansangan ang mga lumang jeep.

“Sayang naman ‘yong jeepney na susunugin nila, puwede naman nilang gamitin sa iba like imbes na pasahero ang ikakarga, mga kargamento,” wika ni Alberto Suansing, consultant sa Department of Transportation (DOTr).

Ayon kay Suansing, hindi naman nagtataingang-kawali ang DOTr pagdating sa kanilang kalagayan.

Ito ay makaraang muling sumama ang loob ng mga jeepeny driver at operator matapos na tila ku­mambiyo ang Malacañang sa anunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na balik-kalsada na  ang mga tradisyunal na jeep, kasama ang UV Express, sa susunod na linggo.

“Wala po kaming kasiguraduhan na ibinibigay na ang lahat ng jeep ay makakapasada… magkakaroon po ng determination kung alin ang road-worthy,” wika ni  Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ngunit sinabi ni  Suansing na inaayos pa ang guidelines na dapat sundin sa pagbabalik-pasada  ng mga tradisyunal na jeep at mga rutang puwedeng pasadahan.

“Marami pang ruta dito sa Metro Manila ang bakante pa para sa mga jeepney… dapat ‘yong mga unit nila ay papasa sa inspection ng LTO (Land Transportation Office),” ani Suansing.

Comments are closed.