BALIK-PROBINSIYA PROGRAM ISUSULONG PAGKATAPOS NG COVID-19

Senador Bong Go

ISUSULONG ni Senador  Christopher Lawrence “Bong” Go ang  “Balik-Probinsya Program” at iba pang long-term solution bilang paghahanda sa tinatawag na “new normal” pagkatapos ng pandemic na COVID-19.

Ayon kay Sen. Go, sa pamamagitan ng “Balik-Probinsiya Program” bibigyan ng insentibo at pangkabuhayan ang mga kababayan natin na gustong bumalik sa kanilang probinsya sa halip na ipagpatuloy ang kanilang mahirap na buhay sa Metro Manila.

“Paghandaan na natin ang “new normal” at ang isa sa pinaka-importanteng hakbang na dapat nating gawin ay ang paglilipat ng mga tao mula sa mga siyudad papunta sa mga probinsiya,” ani  Sen. Go.

Dahil sa COVID-19 mas napapanahon na ngayon na i-decongest na ang Metro Manila para maibsan ang kahirapan sa buhay na nararanasan sa National Capital Region (NCR).

“Ngayon mas nararamdaman na natin ang matagal nang pinupunto ng Pangulo na kailangan talagang i-develop ang iba pang probinsya para mabawasan ang tao sa Metro Manila. Masyadong masikip dito, mabilis kumalat ang sakit. Masyado ring maraming tao, hirap na hirap tayong maalagaan lahat ng apektado,” sabi ni Go.

Kasabay nito, sinabi pa ng senador na nararapat na ring pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mga long-term solution sa kasalukuyan nating problema sa COVID-19. Dapat daw ay matututo na tayo sa nangyari at mas handa na ang lahat kapag may naulit na ganitong sakuna.

“Marami tayong natutunan sa krisis na ito, tulad ng hirap na dulot ng pagkakumpol-kumpol ng tao sa mga siyudad. Simulan na nating paghandaan at tuluyan na nating aksyunan ang isyu na ito. Huwag nang hintayin pa na mas lumala ang problema,” ani Go.

Ipinunto rin ni Go na ang kakulangan sa urban planning at hindi pagbibigay atensiyon sa pagpapaunlad sa mga probinsya ang posible ring naging malaking dahilan kung bakit mabilis kumalat sa mga siksikang lugar ang naturang virus.

Iginiit pa ni Go na oras na ma-lift na ang enhanced community quarantine sa Luzon, nararapat nang unahin ng pamahalaan ang pagpapauwi sa kanilang probinsya ng ating mga kababayan na nakikipagsapalaran sa Metro Manila at iba pang siyudad.

“Kung hindi natin ito aaksyunan agad, hindi matatapos ang problema natin at lalong hindi mararamdaman ang development sa probinsya,” pahayag pa ni  Go.

Comments are closed.