BALIK TANAW: COVID-19 LOCKDOWN 2020

Bukas, ika-15 ng Marso, tatlong taon na ang nakalipas nang tayo ay nakaranas ng kakaibang sitwasyon upang harapin at labanan ang nakamamatay ng Covid-19. Ito ‘yung panahon na ang siyensya at ang publiko ay labis ang kakulangan sa kaalaman tungkol sa Covid-19. Ito ay isang virus na hawig sa ordinaryong sipon at ubo. Maaaring magkaroon din ng lagnat, kawalan ng panlasa kapag tinamaan ka ng Covid-19. Ang pinangangambahan pa ay maaari kang mamatay dahil sa sobrang hirap huminga. Parang pakiramdam daw ng nalulunod.

Noong mga panahon na iyon, ang mga modernong parmasyutiko sa mga malalaking bansa tulad ng USA, China, India at sa mga bansa sa Europa ay abala sa pagsisiyasat upang makahanap ng bakuna laban sa Covid-19. Kakaiba ang panahon noon. Nadiskubre ang nasabing virus noong 2019 sa Wuhan, China kung saan daan libo ang tinamaan nito at namatay. Ang nakadiskubre ng nasabing virus, na isang doktor, ay naging biktima din at namatay dahil dito.

Kumalat ang nasabing virus, dahil ang Wuhan ay isang mahalagang lungsod ng China kung saan daang libong mga dayuhan mula sa iba’t ibang bansa ang regular na bumisita at umalis doon dahil sa negosyo at turismo. Ito ang dahilan ng mabilis na pagkalat ng Covid-19 sa mga ibang bansa. Kinalaunan ay idineklarang pandemya ito ng World Health Organization pagkatapos ng dalawang taon na pagkalat ng Covid-19 sa mahigit kalahati ng mundo.

Natatandaan ko pa, hindi handa ang mga taga Metro Manila nang idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na magkakaroon ng lockdown na magsisimula ng ika-15 ng Marso at tatagal daw ito ng isang buwan. Mahigit 12 milyon ang naninirahan sa Metro Manila. Ilang milyon din ang mga naninirahan sa lalawigan ng Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal ang pumupunta sa Metro Manila sa kanilang trabaho.

Noong ika-17 ng Marso, pinalaganap pa ang lockdown sa buong Luzon. Dito nga naging tampok na usapan ang salitang “ECQ” o enhanced community quarantine kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas ng bahay maliban lamang kapag may sapat na permiso at proteksyon tulad ng face mask at face shield upang lumabas para bumili ng mga pagkain at pangangailangan sa pang araw-araw. Matapos ang ilang buwan, ang buong bansa ay idineklarang lockdown ng mahigit dalawang taon .

Ang pamahalaan ay agresibo sa pagbibigay ng impormasyon upang maghugas ng kamay ng mabuti at regular na maglagay ng alcohol sa kamay upang hindi mahawahan ng nasabing sakit.

Mahigpit din na ipinagbabawal ang pampublikong transportasyon pati na malaking pagpupulong na maaaring maging sanhi ng pagkalat ng Covid-19. Sarado ang malls, sinehan, simbahan at kainan noong mga panahon na iyon upang maiwasan makahawa ang mga may Covid-19.

Nagkaroon pa nga ng artipisyal na pagtaas ng presyo at kawalan ng alcohol, Lysol o ano mang uri ng disinfectant, tissue paper sa mga tindahan. Ang face mask at face shield din ay sumipa ang presyo sa mahigit P150 kada piraso.

Bagsak ang moral ng sambayanan noong mga panahon na iyon. Walang katiyakan ang ating kinabukasan. Dagdag pa rito ay ang pangamba na maaaring maging biktima tayo ng Covid-19 na maaari nating ikamatay.

Ang pamamaraan ng pagsaksak ng nakasusulasok sa ilong upang malaman kung wala o meron kang sakit na Covid-19 ay naging regular na gawain kapag may nararamdaman ka sa mga nasabing sintomas. Nakakatakot ang mga panahon na iyon.

Katunayan ay marami tayong mga kamag -anak, kaibigan at kakilala na pumanaw sanhi ng sakit ng Covid-19. Ang mga may edad at mga tao na napasailalim sa kategoryang may comorbidity ay maaaring madaling kapitan ng Covid-19 ay naging biktima at marami sa kanila ang tinamaan at nasawi.

Noong mga panahon na iyon, karamihan sa media, pati na ang oposisyon ay maingay sa pagbabatikos sa administrasyon ni Duterte. Ang lahat sa kanila ay nagmistulang eksperto sa medisina at kaalaman daw kung ano ang mga dapat na gawing hakbang ng pamahalaan laban sa Covid-19. Pati ang mga militante ay sumisigaw ng laban sa kanilang karapatan pantao sa mahigpit na pagpapatupad ng ECQ.

Ang ibang mga pulitiko ay kinuwestyon ang pamahalaan ni Duterte sa paraan ng pag-aangkat ng bakuna laban sa Covid-19. Maraming akusasyon na nagkaroon ng malaking katiwalian sa pagbili ng mga nasabing bakuna. Pati ang mga uri ng bakuna ay naging malaking isyu kung alin sa kanila ang pinakamabisa.

Pagkatapos ng tatlong taon at sa biyaya ng ating Panginoon, bumabalik na tayo sa normal na pamumuhay. Tandaan, hindi mawawala ang Covid-19. Tulad ng trangkaso at ordinaryong sipon at ubo, nasa ating kapaligiran ang Covid-19.

Maaaring nagbago na ang bagsik nito na hindi tulad noong 2019. Ito ay isang paalala lamang sa atin. Bigyan natin ng kahalagahan ang ating buhay at pamilya. Patuloy tayong manalangin at magpasalamat sa ating Panginoon na maswerte tayo at nalampasan natin ang malaking pagsubok na ito.