NUEVA ECIJA -PATULOY na nagsasagawa ng search and rescue operation ang pinagsanib na rescue teams ng Bocaue, San Jose del Monte, Pantabangan, Cabanatuan, at Nueva Ecija para sa katawan ng balikbayan na nawala sa gitna ng malawak na tubig ng Pantabangan Dam.
Sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, halos 48-oras nang nawawala si Tyron Anthony Villano, 38-anyos, ng Brgy. Poblacion, San Jose del Monte.
Nabatid na kakauwi lang sa bansa ng biktima mula sa America, kasama ang kanyang pamilya kung saan nagyaya itong mag-jetsky sa naturang dam.
Ayon sa pamilya ng biktima, mahusay na mountaineer at swimmer si Tyron, subalit nagtataka sila kung paano ang pangyayari.
Base sa report, Oktubre 22 ganap na alas-4:00 ng hapon nang tumaob ang sinasakyan nitong Jetsky dahil sa sunod-sunod na malalaking alon.
Samantala, gumagamit na ng underwater video camera ang mga rescuer upang madaling makita ang katawan ng biktima.
Ayon sa mga rumesponde, umaabot na sa 100 meters ang lalim ng nabanggit na dam subalit bigo pa ring matagpuan ito. THONY ARCENAL
Comments are closed.