ILIGAN CITY –HINDI umubra ang pagpapanggap na baliw ng 33-anyos na binatang itinuturong pangunahing suspek sa pagpatay sa live-in partner ng kanyang kapatid sa Barangay Suarez.
Kinilala ni Iligan City Police Station 2 Commander Maj. Marvin Cajegas ang biktima na si Rosemarie Jacot, 25-anyos, na tubong-Camiguin Province at nakatira na sa Iligan City, dahil sa kasalukuyang pagiging nurse ng kanyang live-in partner na si Dennis Garces sa lugar.
Sinabi ni Cajegas na nakuha nila ang suspek na si Rommel Garces sa mismong mga kaanak na malapit sa crime scene.
Una nang nagkunwari na mayroong karamdaman ng kanyang pag-iisip ang suspek kaya umano nasaksak ang biktima nang sila lang ang naiiwan sa bahay.
Subalit hindi pinaboran ng piskalya ang depensa ng suspek na ito’y mayroong iniindang karamdaman kaya kinasuhan ng murder at ikinulong sa city jail ng lungsod.