BULACAN-IKA-APAT na siyudad na maituturing sa lalawigang ito ang Baliwag matapos ang plebisto nitong nakaraang araw ng Sabado na nakakuha ng botong ‘yes’ laban sa ‘no’ para sa pagiging component city ng nasabing bayan.
Base sa tala ng Commission on Election (Comelec), 21.70% ang naging turn out ng mga bumoto o 23,562 sa 108,572 kabuuang total registered voter ng Baliwag.
Nasa 17,814 ang bumoto para maging component city ang Baliwag habang 5,702 naman ang bumoto na hindi pabor na maging siyudad.
Sinabi ni Mayor Ferdie Estrella na sa oras na maging ganap ng siyudad ang bayan ng Baliwag, madodoble ang matatanggap nilang Internal Revenue Allotment sa pamahalaang nasyunal na mula sa P330M kada taon ay magiging P660M na.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11929 o ang ‘measure converting the municipality of Baliwag into component city’, inihain ni Mayor Estrella sa Kongreso sa tulong ng noo’y Kongresista ng ikalawang Distrito na si Gavini Pancho.
Sa datos ng 2020 census ang Baliwag ay may 168,470 na populasyon.
Maihahanay na ang Baliwag sa tatlo pang siyudad sa lalawigan ng Bulacan kabilang ang Malolos, Meycauayan at City of San Jose del Monte. THONY ARCENAL