TIYAK na maaantala ang gagawing pag-iimprenta ng Commission on Elections (Comelec) ng mga balota para sa 2019 National and Local Elections (NLE) kung tuluyang ipagpapaliban ang panahon ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga kandidato.
Ito ang ipinaliwanag ni Comelec Spokesperson James Jimenez matapos na i-adopt ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso ang resolusyon na humihikayat sa Comelec na iurong ang deadline ng paghahain ng COC ng isang linggo.
Una nang itinakda ng poll body ang panahon ng paghahain ng kandidatura ng mga nais tumakbo sa 2019 polls sa Oktubre 1-5, ngunit nais ng mga mambabatas na iurong ito at gawing mula Oktubre 11-17.
Ipinaliwanag naman ni Jimenez na itinakda nila ang COC filing sa unang bahagi ng Oktubre upang magkaroon sila ng sapat na panahon para salain ang mga nuisance candidates o panggulong kandidato, makapag-imprenta ng mga balota at maipamahagi ang mga ito sa buong bansa.
Sakali aniyang maaantala ang COC filing ay tiyak na mababago rin ang schedule ng mga naturang aktibidad para sa halalan.
“Definitely malaking epekto niyan kasi uurong lahat ng activities. Parang domino iyan e, ‘pag itinumba mo iyung isa, tumba lahat,” ayon kay Jimenez, sa panayam sa radyo.
“By the end of the year masasara na natin dapat ang balota. Ibig sabihin wala nang changes. Pero ‘pag inurong natin iyan… baka Enero na, nag-iimprenta pa tayo,” paliwanag pa ni Jimenez.
Binanggit na rin ni Jimenez na hindi lamang naman ang national at local elections ang kanilang pinaghahandaan sa ngayon kundi maging ang plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) na nakatakdang idaos sa Enero 21.
Ang National at Local Elections sa bansa ay nakatakdang idaos sa Mayo 13, 2019. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.