BALLOT PRINTING SISIMULAN SA ENERO

ballot printing

NAKATAKDA nang simulan sa ikatlong linggo ng Enero, 2019 ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-iimprenta ng mga balotang gagamitin sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE).

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, hindi pa nila natatapos ang paglilinis ng listahan ng mga kandidatong papayagan nilang tumakbo sa halalan.

Unang sinabi ni Jimenez na target nilang mailabas ang listahan noong Disyembre 15 ngunit hindi ito natuloy.

Ipinaliwanag ni Jimenez na marami pang mga apelang nakabinbin sa kanilang tanggapan kaya’t hindi pa nila mailabas ang opisyal na listahan ng mga kandidato.

Sa kasalukuyan ay mayroon pang mahigit 140 senatorial candidates sa listahan, at ang mga natanggal pa lamang dito ay yaong mga nag-withdraw ng kandidatura.

“Nagkakaproblema pa tayo sa pagsasala ng ating mga kandidato, ‘yung senatorial candidates natin ngayon nasa 140 plus pa kasi hindi pa nga tapos ‘yung proseso sa iba sa kanila,” ani Jimenez.

“Hindi pa natin naia-announce kasi ‘di pa tapos ‘yung proseso ng paglilinis ng listahan. Marami pang pending na kaso especially ‘yung mga nag-appeal,”  aniya pa.

“‘Yung pag-iimprenta ng balota naka-schedule sa third week of January, so medyo may slack time tayo,” aniya.       ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.