BALOTA SA BARANGAY POLLS IIMPRENTA NA

NAKATAKDA nang simulan ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-iimprenta ng mga balota para sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections sa oras na maplantsa na ang mga kinakailangang hakbangin.

Ayon kay Atty. John Rex Laudiangco, tagapagsalita ng Comelec, kabilang sa mga nakatakdang iimprenta ng komisyon ay ang mga official ballots at iba pang mga forms na gagamitin sa BSKE sa Disyembre 5.

Dagdag pa nito, maliban sa nasabing eleksyon ay nakatakda na ring ikasa ng COMELEC ang mga papeles para naman sa Ormoc Plebiscite sa Oktubre 8.

Iginiit pa nito, magsisimula ang pag-iimprenta sa oras na maisapinal na ang lay out ng mga balota at mapirmahan ang memorandum of agreement sa pagitan ng Comelec at ng National Printing Office (NPO).

Samantala, inabisuhan naman ng komisyon ang mga stakeholder ng nasabing mga aktibidad na mag-antabay lamang para sa karagdagang mga detalye at kanilang mga susunod na hakbangin. PAUL ROLDAN