BALOTA SA MAY 13 ELECTIONS INIIMPRENTA NA – COMELEC

BALLOT PRINTING

MATAPOS ang may dalawang linggong pagkaantala, nasimulan na rin kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-iimprenta ng unang batch ng mga balotang gagamitin nila para sa nalalapit na National and Local Elections sa bansa sa Mayo 13.

Isang tour ang isinagawa kahapon ng mga opisyal ng Comelec sa loob ng National Printing Office (NPO) sa Quezon City para makita ang aktuwal na pagdaraos ng ballot printing.

Mahigpit naman ang seguridad na ipinatutupad ng poll body sa naturang pasilidad.

Nabatid na ang ballot image ay inilalagay sa server room para maiimprenta at ang mga printed ballot naman ay dadalhin sa verification room upang  i-scan para sa posibleng depekto nito.

Ayon sa Comelec, may 65 milyong balota ang kinakailangan nilang ilimbag para sa midterm polls, kabilang ang may 1.8 milyong balota na gagami-tin para sa overseas absentee voting (OAV) na idaraos sa Abril.

Una nang itinakda ng Comelec ang ballot printing noong Enero 22 pa.

Gayunman, hindi ito natuloy dahil sa pagkaantala nang paglalabas ng pinal na listahan ng mga kandidatong papayagang tumakbo sa senatorial race.

Sa kabila naman nang naturang pagkaantala, kumpiyansa ang Comelec na matatapos nila ang isinasagawang ballot printing bago ang target date na Abril 25.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.