ISABELA-LABIS ang nadarama nina Isabela Governor Faustino “Bojie’’ Dy, III at ni Vice Governor Antonio “Tonyfet” Albano makaraang maitala ang lalawigan ng Isabela sa Guinness Book of World Records para sa pinakamaraming sabay-sabay na nagsayaw na nakasuot ng scarecrow, sa pagdiriwang nang Bambanti Festival 2019 na may temang ‘’Tagumpay Ng Pusong Isabela.”
Ang Bambanti o Scarecrow ay panakot ng ibon na karaniwang ginagamit ng mga magsasaka.
Ang 25 bayan at tatlong lungsod mula sa lalawigan ang lumahok sa street dance parade competition na isinagawa sa Isabela Provincial Sports Complex sa Ilagan City.
Sa beripikasyon ng adjudicator ng Guiness, kabuuang 2,495 ang sabay-sabay na nagsayaw na nakasuot ng scarecrow.
Pinasalamatan ng gobernador ang mga taga Guinness at mga kababayang Isabeleño dahil nasungkit nila ang world record.
Samantala, makikita sa festival grounds sa harapan ng Provincial Capitol ang mga ipinagmamalaking produkto ng bawat bayan sa Isabela.
Sa tulong nang Isabela Provincial Police Office (IPPO) na pinamumunuan ni P/Chief Supt. Mariano Rodriguez Provincial Director ng PNP Isabela mahigpit na ipinatupad ng kanyang mga tauhan ang seguridad para sa sa libo-libong mga mamamayan na nanood sa Bambanti Festival, 2019. IRENE GONZALES