BAMBOL SA SPECIAL SESSION NG PSA FORUM

ANO ang inaasahan sa Philippine sports ngayong 2023?

Bibigyan ito ng kasagutan ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino bilang solo guest sa unang PSA (Philippine Sportswriters Association) Forum para sa taon ngayong Martes.

Nakatakda ang special session sa alas-11 ng umaga sa East Ocean Palace Restaurant sa Pasay City.

Magiging abala ang taon para sa Filipino athletes kung saan ilang major international meets ang nakalinya tulad ng 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia, 19th Asian Games sa Hangzhou, China, 6th Asian Indoor and Martial Arts Games sa Thailand, qualifying tournaments para sa 2024 Paris Olympics, FIFA Women’s World Cup sa Australia at New Zealand, gayundin ang co-hosting ng bansa sa FIBA World Cup.

Ang weekly Forum ay itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Philippine Sports Commission, POC, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Hinihikayat ni PSA president Rey Lachica, sports editor ng Tempo, ang mga miyembro na dumalo sa session na ila-livestream via PSA Facebook page fb.com/PhilippineSportswritersAssociation at mapakikinggan sa delayed basis sa Radyo Pilipinas 2, na ibinabahagi rin ito sa kanilang official Facebook page.