PINILI ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Panay Island upang gawing sentro ng bamboo production sa bansa.
Ayon kay DENR Secretary Roy Cimatu, nakikita ng ahensiya ang potensiyal ng probinsiya para makagawa ng iba’t ibang produkto na mula sa kawayan kung kaya’t dapat palakasin ang pagnenegosyo ng kawayan sa naturang lugar.
“We will adopt the latest technology in producing lumber and timber out of the bamboo stands. This can usher in inclusive development in the island and provide income and livelihood not only to the marginal farmers, and promote Panay as the country’s ‘bamboo capital’,” saad ni Cimatu
Napag-alamang sa inisyal na pag-aaral, natukoy ng DENR Western Visayas na may 60 hectares ng Panay Island ay maaaring ilaan sa pagtatanim ng mga kawayan habang mahigit sa 6,100 hectares naman ay kasalukuyang mayroon ng plantasyon ng bamboo sa lugar.
Kasunod nito, inatasan na ng DENR chief si DENR Western Visayas Regional Executive Director Francisco Milla, Jr. para matukoy ang iba pang lugar na maaaring mapagtamnan ng mga kawayan sa Panay Island gayundin ang pagtatayo ng bamboo pro-cessing plants para makabuo ng engineered bamboo products.
Layon din nitong mapalakas ang industriya ng kawayan kapalit ng mga kahoy kung saan unti-unting nauubos ang mga punong kahoy sa mga kagubatan bilang suporta na rin sa National Greening Program (NGP) ng pamahalaan.
Sa ilalim ng NGP, mabibigyan ng kabuhayan sa bamboo plantation ang mga magsasaka bilang kanilang kabuhayan sa pama-magitan ng pag-ani nito ng kawayan na may karampatang regular na suweldo.
Nabatid na target ng DENR na makapagtanim sa 13,500 hectares ng industrial bamboo species katulad ng bamboo tinik, giant buho, bayog at bolo sa taong 2020.
Tinataya namang nasa mahigit P10 milyon ang tinukoy ng kagawaran para sa 2019 budget para sa production ng planting materials at capacity building ng mga magsasaka. BENEDICT ABAYGAR, JR.