PINANATILI ng Department of Agriculture (DA) ang ban sa chicken import mula sa Brazil.
Ito ang ipinarating ng DA kasunod ng panawagan ni Trade Secretary Ramon Lopez na tanggalin na ang ban sa pag-angkat ng poultry products sa Brazil para maiwasan ang kakapusan ng suplay ng manok na magreresulta sa pagtaas ng presyo nito.
Napag-alamang hinihintay muna ng Bureau of Animal Industry (BAI) ng DA ang report at tugon ng Ministry of Agriculture, Live-stock and Supply (MAPA) kaugnay ng napaulat na kontaminado ng COVID-19 ang mga ipinapasok na poultry products mula sa Brazil bago tanggalin ang ban na ipinataw rito.
Magugunitang nagpalabas si Agriculture Secretary William Dar kamakailan ng isang memorandum order na nag-aatas sa importation ban bilang ‘precautionary measure’.
Ito ay kasunod ng mga ulat na natukoy ang SARS-COV-2, ang causative agent ng COVID-19, sa chicken wings na inangkat mula sa Brazil sa isang pagsusuri na isinagawa sa Longgang District of Shenzhen sa China.
Nag-aalala ang DA-BAI sa mga napapaulat na tumataas ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa naturang bansa, kabilang ang mga manggagawa na nasa meat processing facilities kung kaya hindi umano ito dapat ipagsawalang- bahala.
Sa ipinadalang liham kamakailan ni BAI Director Ronnie Domingo kay MAPA chief veterinary officer Dr. Geraldo Marcos de Moraes ng Brazil, ipinarating nito na precautionary measures lamang ang ginawang hakbang ng kagawaran upang masigurong ligtas ang publiko sa banta ng naturang nakahahawang sakit at kaagapay ang ahensiya sa hangaring tuluyang maresolba ang naturang usapin.
“The Philippines greatly values its long-standing harmonious relations with Brazil. We look forward to your prompt response,” nakasaad sa liham na ipinadala ni Domingo sa nasabing opisyal ng Brazil.
Sa kasalukuyan, ang Brazil ang pangalawa sa pinakamatinding tinamaan ng COVID-19 outbreak sa buong mundo kung saan napaulat na nasa mahigit 3.2 milyon na ang kaso at mahigit sa 105,000 ang nasawi buhat nang magsimula ang pandemya. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.