PINALAGAN ng Philippine Retailers Association (PRA) ang pagbabawal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mall-wide sales ngayong Christmas season.
Ayon sa PRA, bagama’t aminado sila sa problema sa trapiko, lalo na sa kahabaan ng EDSA kung saan matatagpuan ang mahigit sa 20 malls, ang mga hakbang para tugunan ito ay hindi dapat makabawas sa economic activity.
“Ito lang ang biggest shopping period in all of the months of the year na makakabawi ang mga retailers tsaka store owners. Not just the big ones, pati ito yung medium-sized and the small ones,” sabi ni PRA President Roberto Claudio sa panayam ng ABS-CBN News.
“Even government revenues will benefit from this because the more sales, the more VAT payments are made to the government,” dagdag pa niya.
Subalit nilinaw ng MMDA na ang individual stores ay pinapayagan pa ring magdaos ng sales basta walang major promotions tungkol dito.
“Pag nag mall-wide sale, talagang grabe ‘yung kini-create na traffic. Pag puno na ‘yung parking tapos nakapila yung mga sasakyan, nagsi-spillover yan sa mga major road… !Yun po ‘yung dahilan minsan kung bakit nagkakaroon ng tinatawag nating ‘carmageddon’ kung saan ang atin pong kalsada ay nagiging virtual na parking lot,” sabi ni MMDA Chairman Romando Artes sa isang radio interview.
Sa halip na ipagbawal ang mall-wide sales, iminungkahi ng PRA ang pag-iiskedyul sa kung anong malls sa EDSA ang maaaring magdaos ng mall-wide sales sa isang partikular na araw at oras upang maikalat ito at maiwasan ang matinding trapiko, lalo na sa mga lugar na may dalawa o higit pang malls na magkakalapit.
“Piliin kung sino-sino. Say, kung December 15 to December 18, tatlong mall, nakakalat. December 18 to 21, another three malls. So scheduled siya,” paliwanag ni Claudio.
Sinabi ng MMDA na ang panukala ay kailangan munang pag-aralan at talakayin sa mall owners.
“Siguro pag-uusapan ‘yan. Kailangan munang alam ng mga may-ari ng malls kasi baka magka-silipan pa yan,” sabi ni MMDA Director for Traffic Engineering Neomie Recio.