IGINIT ng Department of Agriculture (DA) ang nauna nitong rekomendasyon para sa ‘temporary ban’ sa palm oil imports sa harap ng reklamo ng mga Filipino coconut at oil palm farmer na bagsak presyo dahil sa pagtatambak ng commodity ng dalawang major palm oil-producing countries sa Southeast Asia.
Sa kanyang Facebook page, sinabi ni DA Secretary Emmanuel Piñol na ang panukalang ban ay pansamantala lamang at epektibo sa isang partikular na panahon.
Aniya, ang volume ng palm oil na inangkat sa Indonesia at Malaysia ay tumaas ng 900 percent sa nakalipas na tatlong taon.
Hiniling din ni Piñol sa Department of Energy (DOE) at sa National Bio-Fuels Board (NBB) na dagdagan ang coconut oil component ng bio-diesel mula B2 sa B5, o mula 2 percent sa 5 percent.
Aniya, ang dalawang rekomendasyon ay muling isinumite ng DA sa Economic Cluster, sa DOE at NBB, kasunod ng mga ulat na nagsimula nang ipagbawal ng European Union (EU) ang palm oil imports mula sa Malaysia at Indonesia dahil sa environmental issues.
Ang kaganapang ito ay inaasahang magreresulta sa pagtatambak ng palm oil sa mga bansa tulad ng Filipinas.
“Under the rules of the World Trade Organization (WTO), member-countries could initiate measures to safeguard its farmers affected by the dumping of excess commodities from other countries.”
Sa pinakabagong datos, ang mill gate prices ng copra ay bumagsak sa P12 hanggang P17 per kilo, na mas mababa sa P26 hanggang P30 kada kilo noong nakaraang taon.
Nasa apat na milyong magsasaka ang labis na umaasa sa pagbebenta ng copra.
Comments are closed.