BANAL NA MISA AT PRUSISYON PARA SA MAPAYAPANG ELEKSIYON

Manila Cathedral-2

ISANG banal na misa at candlelight procession ang nakatakdang idaos ng Manila Cathedral ngayong Linggo, bisperas ng May 13 midterm elections, upang ipanalangin ang isang mapayapa at makahulugang halalan sa bansa.

Ayon sa pamunuan ng Manila Cathedral, si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang inaasahang mangunguna sa pagdaraos ng naturang banal na misa, na idaraos ganap na 6:00 ng gabi.

Kaugnay nito, nananawagan naman ang rector ng Manila Cathedral na si Father Reginald Malicdem, sa mga mananampalatayang Filipino na makiisa sa naturang aktibidad.

“Magkakaroon po tayo ng pagdiriwang ng Banal na Misa at ng Candlelight Rosary Procession na iaalay natin para sa isang mapayapa, maayos, at maka-Diyos na halalan,” apela pa ni Malicdem, sa isang  video message, na nakapaskil  sa official Facebook page ng basilica.

“Punuin po natin ang Plaza Roma dito sa Intramuros ng ilaw ng ating mga kandila at nang ating mga tinig na nagdarasal at umaawit upang hingin ang tulong at patnubay ng Mahal na Ina at ng kanyang anak na si Hesus sa ating pagpili ng mga makatao at maka-Diyos na mamumuno sa atin,” aniya pa.

Inaasahan namang magiging mas makahulugan ang naturang aktibidad dahil sa presensiya ng replica ng imahe ng Our Lady of Fatima, na nasa Chapel of Apparitions sa Fatima, Portugal.

Ayon sa Manila Cathedral,  ang May 13 midterm elections ay isasagawa sa bansa, kasabay ng pagdiri-wang ng araw ng kapistahan ng Our Lady of Fatima. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.