Magdaraos ang Simbahang Katolika ng isang banal na misa para sa “Araw ng mga Bayani” sa Lunes, Agosto 31, at iaalay ito para sa lahat ng frontliners sa bansa, ngayong nagpapatuloy pa ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Nabatid na ang National Heroes Day mass ay pangungunahan mismo ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo.
Isasagawa ito ganap na 12:15 ng tanghali at live ito sa San Felipe Neri Parish, sa lungsod ng Mandaluyong.
Ang tema ng misa ay “Pagpaparangal at Pagdarasal para sa mga Frontliner.”
Layunin nitong kilalanin ang serbisyo ng mga frontliner para sa bayan at ipanalangin ang mga health care worker gaya ng mga doktor at nurse at iba pang frontliners na itinuturing ngayon bilang “present-day heroes” na lumalaban sa pandemyang dala ng COVID-19.
Dahil naman limitado pa rin ang mga taong maaaring dumalo sa misa, iniimbitahan ang mga mananampalataya na makiisa na lamang sa naturang banal na misa online.
Nabatid na mayroong live stream ang misa sa Facebook Page ng TV Maria o ng Archdiocese of Manila, para mapanood ng mas maraming mananampalataya. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.