BANANA CUE NI MOMMY LYRIA NA PATOK SA MASA

ANG mainit-init at nasa tamang tamis na timpla ng bawat banana cue ni Mommy Lyria ang siyang dinarayo sa kanto ng Greenfield, Brgy. Bagbag 1, Rosario, Cavite.

Halos 16 taon na ring nagtitinda ang 61-anyos na si Lyria Ricasata Leyva na mas kilala sa katawagang “Mommy Lyria” na may 3 anak na lalake at 7 apo.

Taong 2006 nang magsimulang magluto ng banana cue si Mommy Lyria matapos na magretiro sa pagtatrabaho sa kompanyang SAMMA Corp sa Epza na pabrika ng bola.

Ipinagpatuloy lamang ni Mommy Lyria ang naumpisahang pagluluto ng banana-que ng kanyang ate Dolly Ricasata Mendoza na dalawang dekada ring nagtinda ng banana cue.

Taong 1995 nang mabalo si Mommy Lyria kung saan maaga niyang pinasan ang gampanin ng dalawang katayuan, bilang ama at ina ng kanyang 3 anak.

Hindi sumuko sa laban ng buhay. Nagsumikap at nangalap ng magandang pangarap para sa hinaharap.

Sa pagtitinda ng banana cue, nakita nito ang magandang oportunidad upang kumita ng kaunting pera para maipangtustos sa pangangailangan ng kanyang pamilya.

Kumikita si Mommy Lyria ng halagang P500 bawat araw.

“Wala man akong katuwang sa buhay ay masaya naman ako dahil kapiling ko ang aking mga anak at mga apo. Kasabay ng pagsisilbi ko sa aking mga suki bilang tindera ay naibabahagi ko ang magandang kalidad ng masarap na banana-que na hinahanap-hanap ng mga tao. May tamang pormula sa pagluluto na ito, pero sikreto na lang natin ito”, pagmamalaki ni Mommy Lyria.

May nagpaparamdam ng pagmamahal sa balong tindera, subalit ang pagmamahal sa pagluluto ng banana cue ang numero uno niyang prayoridad. SID SAMANIEGO