BANANA EXPORTS BUMAGSAK NG P27.5-BILYON

BAGAMA’T nanatili ang Pilipinas bilang “2nd largest exporter of Bananas in the world”, nagpahayag ng pagkabahala si AGRI party-list Rep, Wilbert T. Lee sa naitalang pagbaba ng halos $500 million o nasa P27.5 billion sa kabuuang halaga ng banana exports ng bansa partikular noong nakaraang taon.

Ayon sa AGRI party-list lawmaker, base sa datos ng Food and Agriculture Organization of the United Nations, 90% ng Asian banana exports ay mula sa Pilipinas subalit noong nakaraang taon, ang nasabing percentage ay naging 60% na lamang.

Sa pananaliksik naman ng PILIPINO MIRROR, nabatid na noong 2020, umabot sa halagang $1.66-B ang banana exports ng Pilipinas at ang saging ang “7th most exported product” ng bansa kung saan ang main destinations nito ay ang mga bansang Japan ($749M), China ($453M), South Korea ($204M), Saudi Arabia ($52.9M), at Iran ($46.6M).

Kaya naman kung pagbabantayan ang nasabing export data, sa taong 2021 ay nasa $1.16 billion na lamang o mababa ng halos $500-M o aabot sa P27.5 billion, ang halaga ng saging na nailuwas na kalakal ng bansa.

“Our Banana industry is a low-hanging fruit that needs to be picked up and provided with enough support from the government. Nakakabahala at nakakadismasya ang napakalaking pagbagsak sa produksyon nito. Continuing research and development on this fruit and export product must be pursued for its sustainability and competitiveness,” ang tugon ni Lee sa nabanggit na datos.

“Undeniably, the banana industry contributes significantly to our national economy and serves as an important source of income for a big population of Filipino farmers,” paggigiit pa ng mambabatas.
Ani Lee, sa nakalipas na mga taon ay naharap sa maraming pagsubok ang local banana business, kabilang dito ang poor infrastructure, pests at epekto ng climate change gaya ng pagragasa ng malalakas na bagyo at matinding tagtuyot, mataas na gastusin sa equipment at worldwide inflation.

Isinulong nito ang House Bill No. 6300, o ang Banana Research and Export Act of 2022, kung saan magtatatag ng Banana Research Export Promotion Council (BREPC), na mamamahala sa mga programa para buhayin, patatagin at paunlarin ang local Banana industry, kasama na ang pagsasagawa ng research and development sa layuning mapataas ang banana production ng bansa. ROMER R. BUTUYAN