BANANA FRITTERS WITH A TWIST

BANANA FRITTERS

(ni CT SARIGUMBA)

KUNG mag-iisip na rin lang tayo ng merienda, mag-isip na tayo ng masarap. Para nga naman mawala ang gutom na nadarama natin at matuwa ang ating sikmura, mainam kung talagang gusto mo at masarap ang kakainin.

Kadalasan, kapag sinabing masarap ay la­ging may karugtong na “mahal”. Pero hindi naman natin kailangang mangamba dahil may mga masasarap din namang pagkain o mer­yenda na abot-kaya lang sa bulsa. Gaya na nga lang ng Banana Fritters. Hindi lang din basta-basta Banana Fritters dahil may twist ang gagawin natin.

Saging ang kadalasang mayroon tayo sa kusina.  Maraming puwedeng gawin sa saging.  Kung saging na lakatan, puwede mo itong lagyan ng gatas at kainin. Puwede mo rin itong ihalo sa oats. O kaya naman, kung mahilig kang mag-bake, puwedeng-puwede kang gumawa ng banana cake.

Pero kung may sa­ging na saba ka naman, isa naman sa maaari mong gawin ay ang  pinakasimple—prito lang.

Kaso nga lang, nakasasawa rin naman kung puro prito na lang ang gagawin natin sa saging. Tila walang buhay ito lalo na kung lagi na lang iyon at iyon ang inihahanda natin sa ating pamilya.

At para magkaroon ng buhay ang simpleng saging, mainam ang paggawa ng Banana Fritters with a Twist.

Tiyak na ang ibaba­hagi naming recipe sa inyo ay hindi lamang swak sa bulsa kundi swak na swak din ito sa panlasa ng iyong buong pamilya.

Puwedeng-puwede rin ninyo itong ihanda sa agahan. Kaysa nga naman mag-isip ka pa ng lulutuin, bakit hindi ito ang subukan mo. Mas ma­titiyak mo ring malinis at healthy ito kung ikaw na mismo ang gagawa. Mas magugustuhan din ito ng iyong pamilya lalo na kung ikaw ang nagpakahirap na magluto para sa kanila.

Kung handa na kayo, narito ang ilan sa mga puwedeng subukan o lutuin:

BANANA FRITTERS WITH SUGAR

Banana fritters with sugar ang isa sa pinaka-basic o kadalasang ginagawa natin.

Sa paggawa nito, pagsasamahin mo lang ang mashed banana, egg, flour, butter, baking powder at milk.

Madali lang din itong gawin dahil kung ayaw mong iprito, puwedeng-puwede mo itong i-bake.

Matapos maluto ang fritter, bubudburan lang ito ng maraming sugar at maaari na itong pagsaluhan ng buong pamilya.

BANANA FRITTERS WITH VANILLA CARAMEL SAUCE

Kung gusto mo namang mas lalo pang pasarapin ang simpleng Banana Fritters, puwede mo itong samahan ng vanilla at caramel sauce.

Kagaya lamang din ito sa paggawa ng simpleng banana fritters. Ang kaibahan lang, hindi lamang sugar ang ibubudbod dito kundi daragdagan pa na-tin ng vanilla at caramel sauce.

Tiyak na sa sarap ng pinagsamang vanilla at caramel sauce ay hindi ito mahihindian ng inyong pamilya.

BANANA FRITTERS WITH SPICED GLAZED

Bukod pa sa caramel at vanilla, isa pa sa puwedeng ilagay sa fritter ang spiced glazed.

Simple lang naman ang paggawa ng spiced glazed, pagsamahin lang ang asukal, tubig at pumpkin pie spice.

Habang mainit pa ang Banana Fritters, ibuhos sa ibabaw nito ang ginawang glaze.

Simpleng-simple nga lang namang gawin ang Banana Fritters with a Twist.  Kung ikaw rin kasi ang gagawa, puwede mong bawasan ang tamis nito. Kung gusto naman ng pamilya mo na medyo matamis, puwede mo ring dagdagan ang lasa.

Kumbaga, hawak mo ang magiging lasa ng lulutuin mo kumpara kung bibili ka na lang sa kung saan-saan.

Hindi kailangang gumastos ng mahal para lang makakain tayo ng masasarap. Maging ma­diskarte lang. Mag-isip lang at mag-research. Tiyak na makapagluluto ka ng masarap para sa iyong pamilya.

Kung nag-iisip ka naman ng maaaring pagkakitaan, puwede mo rin itong maging panimula para makapagtayo ka ng maliit na negosyo.

Comments are closed.