BANANA PANCAKES, GAMIT ANG DALAWANG SANGKAP

MAULAN ang paligid. At kapag ganitong maulan, walang kasinsarap ang kumain. Maya’t maya rin ay tila nakadarama tayo ng gutom. Madalas pa naman kapag ganitong panahon ay may mga lasa pa tayong hinahanap-hanap. Na kapag hindi natin nakain o natikman, umiinit ang ulo natin at hindi tayo napapalagay. Parang naglilihi lang kumbaga. Kailangang makain ang gusto nang mawala ang inis. Mayroon nga namang taong kapag hindi nakain ang gusto, umiinit ang ulo.

Kunsabagay, wala nga namang makapipigil sa isang taong kumain lalo na kapag nagugutom. Isa pa, pagkain ang isa sa nakapagpapaligaya sa atin kaya bakit naman natin pipigilan ang ating sarili? Masama namang pagkaitan ang sarili ng mga gustong gawin at kainin.

Iyon nga lang, matuto tayong maging mapili sa ating mga kinakain. Dapat ay kaya nating disip­linahin ang sarili pagda­ting sa pagkain.

Kumbaga, kumain lang tayo ng tama. Kumain lang din tayo ng mga pagkaing makabubuti sa katawan. At kung nag-crave naman sa pagkaing nakasasama sa kalusugan, paminsan-minsan lang din itong kahiligan.

Kapag ganitong nag­si­sipagtaasan ang mga bilihin at kayhirap mag-budget, talagang mapaiisip tayo ng mga pagkaing mura lang na maiibigan ng ating pamilya. Iyong pasok sa budget natin.

Pancakes, isa ito sa napakadaling lutuin. Masarap din ito kaya’t tiyak na magugustuhan ito ng iyong buong pamilya. Maraming klase ng pancakes ang puwede na­ting pagpilian. Nariyan ang basic pancakes, red velvet pancakes, smores pancakes, chocolate pancakes at oatmeal pancakes.

Mayroon din namang mga vegan pancakes. Depende nga naman sa gusto mong panlasa.

At dahil halos hirap na hirap ang marami sa pagba-budget dahil sa kaliwa’t kanang pagtaas ng mga bilihin, may pancake na puwede nating gawin gamit ang dalawang ingredients—ang Banana Pancakes. Kahit sa anong panahon nga naman, swak na swak kahiligan ang pancakes.

Hindi na nga naman kailangan pa ng mara­ming sangkap para lang makagawa ng pang-agahan, hapunan o maging pang merienda.

PAGGAWA NG BANANA PANCAKES

BANANA PANCAKESPara makagawa ng banana pancakes, i-mash lang ang saging. Kapag nadurog na ang saging, isama na ang itlog. Haluing mabuti.

Kumuha ng non-stick pan, lagyan ng oil o butter saka lutuin ang banana-egg mixture.

Hindi ba’t simpleng-simple lang at napakamura lang nito. Pero kahit na dalawang ingredients lang ang gagamitin sa recipe na ito, hindi pa rin maitatanggi ang sarap nito kaya’t tiyak na maiibigan ito ng buong pamilya.

Kaya sa umaga kapag nagmamadali kayo, puwedeng-puwede kayong magluto nang may maipanlaman sa tiyan ang inyong pamilya bago magtungo sa eskuwelahan at opisina.

Kung nag-crave naman kayo ng pancake sa gabi o madaling araw, puwedeng-puwede mo rin itong lutuin basta’t may saging ka lang at itlog.

Kung nais mong med­yo matamis ang pagkaluto ay puwede mo itong lagyan sa ibabaw ng pancake mixture. Pero kung wala naman kayong pancake mixture, puwede ring ipahid sa ibabaw ang butter saka budburan ng kaunting asukal.

Makakakain pa rin tayo ng masarap kahit na mura lang at kakaunting sangkap ang kakaila­nganin natin sa paggawa ng isang lutuin. Basta’t maging madiskarte lang at mag-eskperimento. (photos mula sa google).  CS SALUD

Comments are closed.