BANAT NI DU30 SA SIMBAHAN, PERSONAL NA PANINIWALA

PERSONAL na espirit­walidad at paniniwala ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang deklarasyon kaugnay sa estupidong Diyos.

Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos umani ng batikos ang pahayag ng Pangulo.

Kumbinsido si Ro­que na ang mga ganitong pagbanat ng Pangulo sa Simbahang Katolika ay nag-ugat sa hindi  magandang karanasan sa isang pari noong siya ay bata pa.

Ayon kay Roque, nagkataon lamang na Presidente na ngayon ang biktima noon suba­lit dapat na aniya itong harapin at hindi dapat kalimutan ng simbahan.

Posible  umanong magkaroon lamang ng closure kung aamin at hihingi ng tawad ang simbahan para sa lahat ng naging biktima tulad ng Pangulo.

Kaugnay nito, de­ded­mahin  na lamang umano ng mga lider ng maimpluwensiyang Simbahang Katoliko ang mga banat at patuloy na pag-atake sa kanila ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Reaksiyon ito ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, sa ginawang pagkuwestiyon ng pangulo sa karunungan ng Diyos at tinawag din itong ‘estupido’ hingil na rin sa pagkakaroon ng kasalanang mana na mula pa kina Adan at Eba.

Ayon kay Bagaforo, hindi na lamang nila papansinin pa ang mga batikos ng Pangulo.

Nilinaw naman ng Obispo na walang galit ang Simbahan sa Pa­ngulo at karapatan nito na magpahayag ng kanyang mga opinyon.

Umapela na lamang ang obispo ng sa mga mananampalataya na patuloy na ipanalangin ang Pangulo sa kabila ng kanyang mga batikos sa pananampalatayang Katoliko, upang ma­gampanan nito ang kanyang tungkulin sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.