BANCHERO SA MAGNOLIA; PARKS SA TNT

on the spot- pilipino mirror

SA WAKAS ay natuloy rin ang pangarap ni Chris Banchero ng Alaska Aces na ma-trade sa ibang team. Si ­Banchero ay dinala sa Magnolia Hotshots kapalit nina Rodney Brondial at Robbie Herndon. Bago mangalahati ang taon ay nawala sa kampo ng Aces itong si Banchero, umuwi ito sa Estados Unidos dahil umano sa may sakit na kamag-anak. Tsika namin noon na matagal nang ayaw ng Fil-Am  player sa Alaska team at nagpapa-trade na nga ito sa ibang koponan. Matatandaang unang hindi nagpakita si Calvin Abueva sa practice ng Aces noon. At sinuspinde ito ng Alaska management, na sinundan ng pag-alis ni Banchero sa team nang walang paalam.

Naging maganda naman ang kinalalagyan nina Brondial at Herndon sa Aces. Katunayan, sinabi ni coach Jeffrey Cariaso na magagamit niya nang husto ang dalawa sa team. Tingin ko, ‘di kawalan si Banchero sa Alaska dahil marami pa namang shooters sa naturang team tulad nina JV Casio, Simon Enciso, at Abel Daguiles. Dagdag pa rito ang pagiging shooter ni Herndon na siguradong mabibigyan ng playing time ni coach Cariaso.

May kumakalat na tsika na kaya itinrade si Banchero ay dahil supladito ito sa mga kasamahan. Pili nga lang daw ang kinakaibigan na players. Sabagay,  halata naman na suplado ito. Pati nga rin si Christian Standhardinger ay sinasabing may attitude problem. Pili rin ang kausap, maski naman sa reporters ay moody siya sa interview. Kung type niya ang magpa-interview, go siya. Pero kapag nasa bad mood, manalo o matalo ang team ay ‘di nagpapa- interview. Sigurado na kapag hindi nagbago ang  ugali ng mga foreigner na ‘to ay hindi sila tatagal sa PBA at kailan man ay hindi sila magkakaroon ng awards. May kilala akong ex-PBA player na natapos ang career na walang award na natanggap kasi suplado at nagsalita ito na ‘di niya kailangan ang award.



Isa pang pinag-uusapang trade ay ang kinasasangkutan ni Vic Manuel.  Gayunman ay pinabulaanan ni coach Cariaso ang naturang trade. Lagi namang  ganito ang kuwento,’di iti-trade ang player tapos ilang linggo lang ay tapos na at na-trade na ang player. Sa totoo lang, noong 1st conference  ay nagtanong si Mr. Robert Non sa amin kung sa akin pa rin si Manuel. Sa madaling salita, interesado ang SMB kay Vic. Ang tanong, sa-kaling i-trade si Manuel sa Beermen, sino kaya ang ipapalit sa kanya?

Sa panig ni Vic, handa naman siya na ma-trade, ang mahalaga ay may team siyang paglalaruan. Wala namang magagawa ang mga player kung i-trade sila as long as may kontrata sila sa kanilang mother team. Isa pang nagkakainteres sa kanya ay ang Phoenix Fuel Masters, sino rin ba ang magiging kapalit ng produkto ng PSBA.?



Goodbye na rin si Ray Parks sa Blackwater Elite. Pero ang ­pangarap na makapaglaro sa favorite team niyang Barangay Ginebra ay hindi nagkaroon ng katuparan dahil sa TNT KaTropa siya napunta kapalit ni Don Trollano at 1st round pick. OK din naman ang team na napuntahan niya na kasalukuyang nangu­nguna sa Governors’ Cup. Sana nga ay makatulong si Parks sa TNT para naman makabalik sa pagiging champion team ang tropa ni coach Bong Ravena. Sa Friday ay masusubukan ang kalibre ni Parks laban sa Ginebra sa Ara­neta Coliseum.

Comments are closed.