RIZAL- PATAY ang 59-anyos na pastor habang sugatan ang asawa at 2-anyos anak na lalaki nang makabanggaan ang isang motorsiklo sa Antipolo City.
Sa ulat ng Antipolo PNP, kinilala ang nasawi na si Caesar Cabiles Pablo, 59-anyos ng doctrine of ministry Born Again Christian na siyang driver ng Motorstar Easyride MC-130304 habang sugatan naman ang misis nito na si Arlene at anak na si Joshua na residente ng Phase-5, Southville-9, Brgy., Pinugay, Baras, Rizal.
Nabatid na arestado naman ang driver na si Enrico Marcos Osorio, 33-anyos, driver ng Honda Beat na kulay gray na may plakang 541-XEM at t residente ng #13 UP Arboretum, Diliman Quezon City.
Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong alas- 9:45 kamakalawa ng gabi nangyari ang insidente sa kahabaan ng Marcos Highway, Central, Inarawan sa lungsod.
Galing ang nasawing driver sa Padilla at pauwi na ito sa Pinugay, Baras habang si Osorio ay galing Marcos at patungo sa bahagi ng Masinag.
Sa hindi malamang kadahilanan biglang kumanan ang suspek at na-block ang linya ng biktima kung saan ito nawalan ng preno, bumangga sa motor ng suspek at tumama sa sementadong kalsada kung saan tumilapon naman ang misis at anak nito.
Agad dinala sa Cabading District hospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival ni Dr. Zhean Drae Genterola. ELMA MORALES