QUEZON-SA kagustuhan na makaabot sa get together ng huling araw ng bakasyon nang magbabarkada dalawa ang nasawi sa banggaan ng motorsiklo sa San Narciso- Buenavista road, Barangay Guinhalinan, San Narciso nitong Sabado ng gabi.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, kinilala ang mga nasawi na sina Mergelito Lingahan, 39-anyos, mangingisda at residente ng Sitio Bacolod, Barangay Manlampong, San Narciso at Benedick Palles, estudyante na residente ng Guinhalinan.
Sa pagsisiyasat ng San Narciso police office, mabilis umanong minamaneho ni Palles ang kaniyang motosiklo angkas ang isang back rider nang mawalan ito ng kontrol sa manibela sa isang kurbadang bahagi ng kalsada na naging sanhi para masakop nito ang kabilang bahagi ng highway at mabundol ang pasalubong na motor na minamaneho naman ni Lingahan.
Sinabi ng ilang nakasaksi sa insidente na sa lakas ng banggaan, tumilapon ng ilang metro ang angkas ni Palles na si Bryze Banayado, 17-anyos, estudyante at ang dalawang angkas ni Lingahan na sina Areston Avila, 38-anyos at Rodino Liquin,26-anyos , mga residente ng nabanggit na bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya sa mga sugatan, mabilis umano ang pagpapatakbo ng motor ni Palles dahil sa kagustuhan nitong umabot sa bonding ng kanilang mga kaklase.
Agad naman isinugod ng mga concerned citizen ang mga biktima sa San Narciso Municipal hospital kung saan dead on arrival sina Palles at Lingahan, samantalang ginagamot naman ang tatlong back riders na grabeng nasugatan sa naturang insidente. ARMAN CAMBE