BANGGAAN NG MOTORSIKLO, 2 NAPURUHAN,  1 SUGATAN

Motorsiklo

LAGUNA – MAGKASUNOD na binawian ng buhay habang isinusugod sa pagamutan ang dalawang lalaki matapos magkabanggaan ang minamaneho nilang motorsiklo sa National Highway, Brgy. Sala, lungsod ng Cabuyao, ka-makalawa ng tanghali.

Ayon sa ulat ni PLt. Col. Reycon.Garduque, hepe ng pulisya, nakilala ang biktimang sina Ruel Guevarra, Bus Driver, ng Sitio Tanglaw, Brgy. Niugan at Cherwin Puson, 26, Security Guard, binata, nakatira sa brgy. Niugan.

Samantala, nasugatan din sa kanyang katawan ang biktimang si Mark Joseph Paral, ng Biñan, City matapos mahagip ng bumaligtad na motorsiklo na minamaneho ni Guevarra kung saan nasa maayos na ring kalagayan.

Alas-12:00 ng tanghali nang maganap ang insidente matapos mag-overtake umano sa isang tricycle ang biktimang si Guevarra habang lulan sa kanyang minamanehong motorsiklo patungo ng kabayanan nang mawala ito sa tamang direksiyon.

Dahil dito, nasapul nito ang paparating na motorsiklong minamaneho ni Puson habang patungo ng Calamba dahilan para sabay silang bumaligtad at magkahiwalay na tumilapon sa kalsada habang ang motorsiklo na minamaneho ni Paral ay aksidenteng nasagi.

Minalas na masawi ang mga biktima na pawang walang suot na helmet bunsod ng tinamong mga sugat sa kanilang ulo at katawan. DICK GARAY

Comments are closed.