BANGGAAN SA RECTO BANK MINALIIT NG CHINA

HIT AND RUN

MINALIIT lamang ng  China ang insidente ng pagbangga ng Chinese vessel sa nakaangklang barko ng mga Filipinong mangingisda.

Sa isang punong balitaan, sinabi ni Chinese foreign ministry spokesperson Geng Shuang na  maituturing na pangkaraniwang maritime accident lamang ang naganap sa Recto Bank.

Nagbabala pa si Geng sa paghalo ng politika sa insidente kahit pa hindi pa lubos na nabeberipika ang pangyayari.

Ngunit ayon naman kay Presidential spokesman Salvador Panelo, siniguro ng China na magsasagawa sila ng malaliman at seryosong imbestigasyon sa pangyayari.

Batay ito sa text message na ipinadala sa kanya ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua.

Ayon kay Panelo, tiniyak ni Zhao na kaisa ang China sa galit ng Filipinas sa Chinese crew na iniwan sa karagatan ang 22 Pinoy fishermen.

Aniya, tiwala si Zhao na dapat mabigyan ng leksiyon at maparusahan ang Chinese crew dahil sa iresponsableng pag-uugali kung totoong inabandona ng mga ito ang mga ma­ngingisdang Filipino nang lumubog ang kanilang bangka.

DUTERTE NAG-IINGAT SA SASABIHIN SA ‘HIT AND RUN’  SA RECTO BANK

NILINAW  kahapon ng Malakanyang  na nag-iingat lamang si Pangulong  Rodrigo Roa  Duterte sa  kanyang mga sasabihin sa usapin ng banggaan ng isang Chinese vessel at bangka ng mga mangingisdang Pinoy  sa Recto Bank.

Sagot ito ni  Presidential spokesperson Salvador Panelo sa mistulang pananahimik sa isyu ng Pangulo kumpara sa  isyu ng basura ng Canada.

Ayon kay Panelo, ang mga basura ng Canada  ay limang taon nang pinag-uusapan sa bansa, ngunit ang isyu ng  ‘hit and run’ ng  barkong hinihina­lang  pag-aari ng Chinese ay i­lang araw pa lamang nangyari at ngayon pa lamang iniimbestigahan.

“The President is a very cautious man. If you noticed he makes calibrated responses,”  pahayag ni Panelo.

Itinanggi rin nito na pinopolitika ng gobyerno ang isyu taliwas sa sinasabi ng Chinese Foreign Ministry.

Hindi  umano  ang  mismong banggaan  ang inirereklamo ng gobyerno kundi ang hindi  katanggap-tanggap na pag-abandona ng  Chinese crew sa mga mangingisdang Filipino nang mabangga ang kanilang bangka at lumubog.

“First, we are not politicizing that incident. What we are focusing is on the act of abandoning; not the collision itself, because collisions happen in the high seas. But the act of abandoning is in violation of the UNCLOS  (United Nations Convention Law on the Seas),” ang pahayag pa ni Panelo.

MAY-ARI NG BANGKA NANAWAGAN NG HUSTISYA

NANAWAGAN ng hustisya ang may-ari ng bangkang Gem-Vir 1 na lumubog matapos na umano’y banggain ng barko ng China.

Ayon kay Fe Dela Torre, may-ari ng Gem-vir fishing boat, bagama’t ito ang unang pagkakataon na nakaranas sila ng karahasan mula sa barko ng China, posible aniyang maulit ito kung hindi maaaksiyunan ng pamahalaan.

Umapela rin ng tulong si Dela Torre sa pamahalaan para sa pagpapagawa ng kanilang bangkang pangisda na nabutas.

Nagpahayag ng pangamba si Dela Torre sa kabuhayan ng mga mangingisdang nagtra-trabaho sa kanila kung hindi magagawa ang kanilang bangkang pangisda.

Taon 2011 pa nagsi­mulang mangisda sa Recto Bank ang mga ito.

Mangangailangan ng malaking halaga para maipagawa ang Gemvir 1 dahil maliban sa butas  ay  mangangailangan din ng repair ang iba nilang gamit tulad ng radyo at GPS apparatus.

Halos tatlong tone­lada rin  ng lapu-lapu at iba pang isda na halos dalawang linggong pinagpaguran ng kanilang mga mangingisda ang nawala dahil sa pagkalubog ng bangka.            DWIZ882

Comments are closed.