LAGUNA -TATLO katao ang nalunod habang apat naman ang nakaligtas nang aksidenteng tumaob ang sinasakyang bangkang de motor sa bahagi ng Talim Island nitong Sabado ng hapon.
Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, kinilala ang mga nasawi na sina Renato Gaylon, 48-anyos, Cebuana Lhuiller Branch Manager, anak nitong si King Richard, 20-anyos at kaanak na si John Lourence Escala, 15-anyos, estudyante, pawang mga residente ng Bgy. Timugan, Los Banos.
Samantala, mapalad na nakaligtas ang apat sa kasamahan ng mga biktima na sina Joel Maranan, bangkero, kinakasamang si Zenny Maranan ng Bgy. Bayog; Mark Christian Gaylon, 17-anyos, estudyante at kapatid na si Ruiz Gaylon, 15-anyos, estudyante ng Bgy. Timugan.
Agad na nagsagawa ng Rescue and Retrieval Operations ang nagsanib-puwersa na kagawad ng Los Banos Coastguard, Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), Bay at Taguig Rescue Team kaugnay sa nasabing insidente.
Pasado ala-5:00 kinabukasan ng umaga nang magkakasunod na narekober ng mga awtoridad ang bangkay ng mga biktima sa bahagi ng Talim Island, Binangonan, Rizal.
Ayon sa pulisya, pabalik na ang mga biktima mula sa Talim Island makaraang dumalo ang mga ito sa idinaos na kapistahan sa lugar nang hindi inaasahang mawala sa tamang balanse at tuluyang tumaob ang sinasakyang bangka.
Isang SK Chairman at mga kasamahan nito na nakasaksi sa insidente, agarang nasagip ang mag live-in-partner na sina Maranan at magkapatid na Gaylon habang ang mga biktima ay mabilisang nilamon ng malakas na alon. DICK GARAY
Comments are closed.