CAGAYAN-NAGSASAGAWA ng rescue operation ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa apat na mangingisdang nawawala kabilang ang dalawang magkapatid matapos na tumaob ang kanilang sinasakyang bangka sa karagatang sakop ng nasabing lalawigan.
Ayon kay Ensign Juanito Melad, acting station commander ng PCG-Cagayan, habang binabagtas papauwi ang malawak na karagatan ng magkapatid na mangingisda na sina Rowel at Reymund Taguba residente ng Barangay Bisagu, Aparri, Cagayan kapwa nasa hustong gulang nitong Martes ay biglang tumaob ang kanilang sinasakyang bangka nang hampasin ng malalakas na alon sa bukana ng ilog Cagayan sa nasabing bayan.
Sa isinagawang rescue operation ng PCG, narekober ang wasak na bangka ng magkapatid na Taguba sa karagatang sakop ng Barangay Al-lasitan, Pamplona, Cagayan subalit hindi nila natagpuan ang dalawa.
Kaugnay nito, may dalawa rin na mangingisda ang hinahanap ng PCG na nawawala noong pang Disyembre 12 na nakilalang sina Jaynard Umangen, residente ng Camiguin, Calayan Island at si Jerome Villena, residente ng Babuyan, Island na labis namang ipinag-aalala ng kanilang mga pamilya.
Batay sa impormasyon ng PCG, ang dalawang pang nawawala ay papauwi na rin mula sa ilang araw na pangingisda subalit hindi na sila nakarating sa tahanan hanggang sa kasalukuyan.
Nabatid na tumaob din ang dalawang bangka ng apat nilang kasamahang nangisda subalit nakaligtas naman ang mga ito.
Gayunpaman, inalerto ng coast guard ang ibat-ibang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRR-MO) at iba pang mga rescue team para mahanap ang mga nawawalang mangingisda. IRENE GONZALES
Comments are closed.