ILAGAN CITY- LIMA ang nasawi kasama ang tatlong menor de edad makaraang tumaob ang sinasakyang bangka sa ilog Cagayan na sakop ng Brgy. Naguilian Sur City of Ilagan, Isabela.
Ang mga nasawi ay sina Mervin Balubar, 36-anyos; Crisel Valdez, 43- anyos; Reniel Dela Cruz, 9-anyos; Mark EA Catolico, 6-anyos, at Andrea Balubar, 5-anyos.
Ang nakaligtas naman ay sina Ronaldo Ballesteros, 56-anyos; Beverly Alvarez, 16-anyos; Mary Joy Alvarez, 6-anyos; Cristine May Balubar, 9 anyos, at Angeline Balubar, 30- anyos, pawang mga residente ng nabanggit na Barangay.
Ayon sa Ilagan PNP, bago ang insidente nanguha ng tulya ang mga biktima sa nasabing ilog at matapos makapuno ng halos kalahating sako ay sumakay na sila ng bangka papauwi.
Sa gitna ng kanilang paglalakbay sa ilog, unti-unting lumulubog ang bangka na sinasakyan ng mga biktima.
Tumaob ang bangka at nahulog ang mga biktima sa ilog kung saan naisabay pa ang malakas na agos ng tubig na dahilan para mapunta ang mga biktima sa malalim na parte ng ilog na siyang dahilan ng kanilang pagkalunod.
Ang limang nakaligtas ay mapalad na nakalangoy hanggang sa mababaw na parte ng ilog.
IRENE GONZALES