LIMA katao ang nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) makaraang lumubog ang isang bangka sa Kabo Island, Surigao City.
Sinabi ni PCG Spokesman, Capt. Armand Balilio, palubog na sa dagat ang pampasaherong bangka nang ma-rescue ng kanilang mga tauhan.
Sakay nito ang apat na pasahero at ang operator na siyang humingi ng tulong nang magsimula ang aberya sa biyahe.
Nabatid na galling ng Barangay Buenavista, Surigao City ang bangka at papunta sana sa Barangay Balibayon nang bigla silang hampasin ng malalaking alon at malakas na ihip ng hangin dahilan upang mawasak ang likurang bahagi ng bangka.
Ayon sa Coast Guard, hindi sumunod ang bangka sa kanilang babala at naglayag pa rin kahit sinuspinde na ang paglaot dahil sa gale warning dahil sa sama ng panahon.
Walang nasaktan sa insidente at ligtas nakauwi ang limang sakay ng bangka.
Paalala ng PCG, laging sundin ang mga inilalabas na gale warning tuwing may namo-monitor na sama ng panahon o malalaki ang alon sa dagat para maiwasan ang mga ganitong insidente. VERLIN RUIZ