(Bangkang sinasakyan tumaob) 8 MIYEMBRO NG DRAGON BOAT TEAM NASAWI

Dragon boat

PATAY ang walong miyembro ng Boracay Dragon Boat team kabilang ang tatlong babae nang aksidenteng tumaob ang kanilang bangka sa Tulubhan area sa Boracay, ayon sa Philippine Red Cross (PRC) at Philippine Coast Guard (PCG) kahapon.

Ayon kay Senador Richard Gordon na siya ring chairman ng PRC,  kabilang ang kanilang mga tauhan na rumes­ponde sa insidente na ikinamatay ng walong miyembro ng dragon boat team.

Sa ulat na ibinahagi ni Captain Armad Balilio, tagapagsalita ng PCG na  21 katao ang sakay ng bangka at 13 ang nakaligtas sa sakuna na kaagad na itinakbo sa Saint Gab­riel Hospital.

Kinilala ng Malay-PNP ang mga nasa­wing boat rowers na sina Yohan at Maricel Tan, mag-asawa; Rachelle Montoya; Antonette Supranes; Vince Natividad, Mark Vincent Navarette, Comar Arcob at Von  Navarossa na pawang mga miyembro ng Dragon Force Paddlers.

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-7:40 ng umaga kahapon sa Sitio Lingganay, Brgy. Manoc-Manoc, Boracay Island.

Lulan ng tumaob na bangka ang mga miyembro ng Boracay Dragon Boat Team nang bigla umano silang hampasin ng malalaking alon at malakas na hangin.

Sa pahayag ng isa sa mga nakaligtas na nasa 300 metro lamang ang layo nila mula sa dalampasigan ng Tulubhan nang mapuno ng tubig ang kanilang bangka.

Ayon kay Balilio, nagsasanay ang team para sa nalalapit na international competition.

Sa pahayag ni Gordon, pinagkalooban na ng Red Cross ng psycho social therapy ang mga nakaligtas na kabilang sa mga nagtangkang luma­ngoy papuntang pampang habang ang ilan sa kanila ay piniling humawak na lamang sa bangka. VERLIN RUIZ